NI ESTONG REYES
SA pagbaba ng halaga ng subsidiya ipinamamahagi sa mga estudyanteng benepisyaryo ng Tertiary Education Subsidy (TES), asahan ang ang pagdami naman ng mga college dropouts, ayon kay Senador Sherwin Gatchalian.
Sa pagdinig ng senado sa panukalang budget ng Commission on Higher Education (CHEd), partikular na tinukoy ni Gatchalian ang desisyon ng Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education Board bawasan ang halaga ng taunang benepisyong sadyang dinesenyo para tiyakin matatapos sa kolehiyo ang mga kwalipikadong mag-aaral.
Sa datos ng CHEd, walo sa kada 10 TES grantees ang natatapos sa pag-aaral sa tulong ng subsidiya.
Mungkahi ng senador sa CHEd, isang metikulosong pagsusuri sa halagang kailangan ng mga kabataang pinapaaral ng gobyerno sa kolehiyo.
Sa ilalim ng bagong polisiya, lumalabas na mahigit kalahati ng P60,000 annual subsidy ang tinapyas ng CHEd sa mga TES grantees sa mga pribadong higher education institutions (HEI). Gayundin ang ginawa ng ahensya sa mga TES grantees sa mga pampublikong pamantasan.
Paliwanag naman ng CHEd, hangad lang ng ahensya palawakin ang programa sa iba pang nais magtapos ng kolehiyo sa tulong ng gobyerno.
Katunayan anila, nasa 1.6 milyon pa ang nag-a-apply para mapabilang sa hanay ng mga TES grantees. Sa kasalukuyan anila, meron lang 200,000 slots ang nasabing programa ng pamahalaan.
Gayunpaman, nagpahayag ng pagkabahala si Gatchalian sa aniya’y posibleng epekto ng tapyas-subsidiya sa mga benepisyaryong mag-aaral sa kolehiyo.
“Dapat maging sapat ang mga halagang binibigay natin upang matapos ng ating mga benepisyaryo ang hanggang ikaapat na taon o ang pagtatapos ng kolehiyo. Naniniwala ako na sapat ang P60,000 at P40,000 upang matiyak natin ang pagtatapos ng mga mag-aaral, matugunan ang kanilang mga gastusin, at mahikayat silang manatili sa paaralan,” ani Gatchalian, Co-Chairperson ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II).
“Para sa akin inilaan natin ang ganung mga halaga upang mapigilan ang pag drop-out at makapagtapos sila. At ganun ang gusto natin—ang makapagtapos sila imbes na nagbibigay tayo ng tulong pinansyal pero titigil naman sila sa pag-aaral sa gitna ng taon,” dagdag ni Gatchalian.
