NI ROMEO ALLAN BUTUYAN II
MULING nadiin si Vice President Sara Duterte sa sinasabing kuwestyunableng paggamit ng pondo sa panahon ng kanyang pamumuno sa Department of Education (DepEd) — partikular sa pamumudmod ng pera sa mga opisyal ng kagawaran.
Sa pagdinig ng House Blue Ribbon Committee, tinanong ni Assistant Majority Leader Jude Acidre si dating DepEd Special Disbursing Officer Eduardo Fajarda kaugnay ng pamamahagi ng cash envelopes.
Inamin ni Fajarda na inutusan siya ng Bise Presidente na magpadala ng pera sa mga opisyal ng Deped.
“Actually po, I was instructed by VP Sara,” ang sagot pa ni Fajarda nang tanungin kung bakit siya humingi ng mga personal na detalye ng bank account mula sa mga opisyal ng DepEd.
Nilinaw niya na ang mga utos ay direktang nanggaling kay Duterte, na walang ibang namagitan, at ang mga pondo ay personal na inabot sa kanya ng former Education secretary.
Nabunyag sa imbestigasyon na ang mga sobre ay ipinamigay sa mga superintendent ng DepEd. Gayunpaman, nilinaw ni Fajarda na hindi lahat nakatanggap
“May napadalan po pero hindi siya lahat,” saad ni Fajarda, na ang mga nakatanggap ng pera mula sa utos ni Duterte ay pinili batay sa mga detalye ng kanilang bank account.
“During po kasi sa pag-iikot ni VP Sara, nakita po niya dun yung superintendent gumagastos ng sarili nilang pera sa office field work nila,” paliwanag ng katiwala sa pera ng pangalawang pangulo.
Naging sentro rin sa pagtatanong ang pinagmulan ng pera.
“Binibigay po yon sa akin ni VP Sara,” ani Fajarda, na higit pang nagpatibay na may personal na kaalaman ang bise presidente sa cash distribution.
Pinagtibay ng pag-amin ang unang pasabog nina dating DepEd Undersecretary Gloria Mercado, Chief Accountant Rhunna Catalan, former Bids and Awards Committee Chairperson Resty Osias at former Undersecretary and spokesperson Michael Poa na aminadong tumanggap ng sobre mula kay Duterte
Para kay Acidre, kapansin-pansin ang aniya’y magkakatulad na “pattern” sa mga tanggapan ni Duterte batay sa mga testimonya ng iba’t ibang opisyal na nakasama sa trabaho ng pangalawang pangulo.
Napatunayan din aniya sa pagdinig ang mga irregularidad sa proseso ng pamamahagi. Pag-amin ni Fajarda, direktang pinadala sa mga personal na bank accounts ng ilang opisyal ng DepEd ang pinamahaging pera — at hindi dumaan sa tamang proseso.
Tanong ni Acidre kay Fajarda – “Pag nagpapadala kayo ng pera, personal account ang ginagamit or official account ng DepEd?”
“Account number po nila,” tugon ni Fajarda kay Acidre.
Ipinagtanggol ni Fajarda ang mga piling pamamahagi ng pondo, na aniya’y dahil sa obserbasyon ng Bise Presidente na may ilang mga superintendent ang ginagamit ang kanilang personal na pera para sa office-related expenses.
Subalit, binanggit ni Acidre na ang hindi pagkakapareho sa proseso ay maaaring gamitin paraan sa pagsasamantala sa pondo ng gobyerno.
