Sa hangarin tuldukan ang agam -agam sa kwestyunableng pagkatao, hinikayat ni Senador Sherwin Gatchalian si Bamban Mayor Alice Guo na sumailalim sa DNA test kasama ang isang Lin Wen Yi na pinaniniwalaang biological mother ng kontrobersyal na alkalde.
“Madali namang mag-imbento ng kwento, kaya ang pinaka maganda ngayon ay mag DNA [test] silang dalawa para mapatunayan na itong mga lumalabas na impormasyon ay hindi totoo, at lalakas ang kanyang posisyon,” wika ni Gatchalian kaugnay ng pasabog ni Senador Risa Hontiveros.
Para kay Gatchalian, tanging siyensya ang pwedeng tumapos sa duda ng Senado sa tunay na pagkatao ni Guo na inaakusahang Chinese national – taliwas sa nakatala sa sinumpaang Certificate of Candidacy (COC) na isinumite sa Commission on Elections.
Paglalarawan ni Gatchalian, dapat nang tapusin ang mala-telenovela na kwento sa pagkatao ni Guo sa isang paraang kongklusibo, lalo pa aniya’t halos walang maibigay na detalye ang alkalde sa kanyang tunay na pagkatao.
Para kay Gatchalian, hindi kapani-paniwala ang salaysay ni Guo na nagsabing anak siya ng amang Chinese national Angelito Guo sa kasambahay na Amelia Leal na nakatala naman sa birth certificate ng alkalde.
Maging ang kwentong sa bukid lumaki at nag-aral sa paraan ng “home-schooling” si Guo, pinagdududahan ng Senado.
Inilabas kamakalawa ni Hontiveros ang mga dokumentong nag-uugnay kay Guo at Lin Wen Yi na nabistong kasosyo ni Guo sa pitong negosyo kung saan pasok din sa mga incorporators ang apat na kapatid.
Taliwas sa sinumpaang testimonya sa mga nakaraang pagdinig, lumalabas din na nagsisinungaling ang alkaldeng nagsabing di niya kilala ang iba pa niyang kapatid sa ama.
