Ni Estong Reyes
MISTULANG kinalampag ni Senador Nancy Binay ang Department of Health (DOH) sa lumalalang sitwasyon sa walking pneumonia na gamitin ang aral na natutunan ng bansa sa pandemya ng corona virus 2019
Sa pahayag, sinabi ni Binay na dapat tiyakin ng DOH na hindi dapat kumalat sa panibagong health crisis ang “walking pneumonia” kung magagamit ng gobyerno ang natutunan sa Covid pandemic
Idinagdag pa ng senador na pawang eye-opener ang Covid-19 pandemic partikular sa public health sector na lubhang nabulaga ang buong bansa sa kawalan ng kahandaan sa sakit.
“Sana gamitin natin ang mga lessons na napulot natin dito para ma-manage nang mabuti ang mga nakahahawang sakit at hindi na naman maging public health emergency,” ayon kay Binay.
Iniulat ng DOH na may apat na kaso ng Mycoplasma pneumoniae, o kilalang “walking pneumonia,” mula Enero hanggang Nobyembre ng taong kasalukuyan.
Sinabi ng DOH na hindi bago ang kaso at natuklasan na ito sa lahat ng nahawa ng influenza-like illness (ILI).
“Only 0.08 percent of the ILI cases from January to November 25 were due to M. pneumoniae. More than half of the confirmed ILI cases were due to other well-known and commonly detected pathogens,” ayon sa DOH.
Sa ngayon, tumaas ang bilang ng ILI cases sa buong bana na may 182,721 cases naitalang kaso simula Enero 1 hanggang Nobyembre 11, 2023 na pawang mas mataas ng 51 percent kumpara sa 121,160 cases na naiulat sa katulad na panahon noong 2022.
Ayon kay Binay kailangan nang itakda ng pamahalaan ang kaukulan at kinakailangang programa sa harap ng tumataas na bilang ng respiratory cases at inaasahang tataas sa Enero upang hindi mabulaga ang public health system.
“Let’s do the necessary things like ensuring the availability of beds, medicine, and personnel, among others. Siguruhin natin na hindi magkaroon ng public health emergency,” ani Binay.
Binanggit din ni Binay ang panawagan ng DOH na gawin ang minimum public health protocol upang maiwasan ang pagkahawa ng sakit partikular ngayon na papalapit ang Kapaskuhan.
“Holiday season na at kasagsagan na rin ng mga Christmas party, reunion, at iba pang social gathering. Gawin na rin sana nating Christmas gift sa bawat isa ang pagiging mindful na maaari tayong makahawa,” ayon sa mambabatas.
“Kung may symptoms tayo, pwede naman umiwas sa mga gathering at bumawi sa susunod. But if we really must go, maging responsible sana tayo and practice cough etiquette and other public health protocols para maprotektahan ang mga makakasalamuha natin,” dagdag niya.