
SA halip na itago sa mga imbakan, dapat ipamahagi ng pamahalaan ang mga gamot at bakunang binili para malunasan ang karamdaman ng mga mamamayan, ayon sa isang partylist congressman, kasabay ng mungkahi sa Kamara na imbestigahan ang aniya’y malinaw na kapalpakan ng Department of Health (DOH).
Partikular na tinukoy ni AGRI partylist Rep. Manoy Wilbert “Wise” Lee, ang P11-bilyong halaga ng iba’t-ibang uri ng gamot at bakunang nasayang lang dahil hindi inilabas ng kagawaran sa mga storage facilities ng kagawaran.
Sa inihaing House Resolution No. 2117, kinatigan ni Lee ang resulta ng pagsusuri ng Commission on Audit (COA) na nakatuklas sa kapabayaan ng DOH sa mga gamot at bakunang tinustusan ng pamahalaan gamit ang buwis ng mga ordinaryong mamamayan.
“Kulang-kulang na nga ang mga gamot sa mga pampublikong ospital, nangangamba at hirap na hirap na nga ang milyon-milyon nating kababayan sa pagbili ng gamot, tapos may bilyon-bilyong halaga ng gamot, bakuna at iba pang medical supplies ang nag-expire lang at hindi pinakinabangan ng mga Pilipino?” wika ni Lee.
“Napakalaking kasalanan nito sa taumbayan. Pera na nila ang nasayang, pinagkaitan pa sila ng serbisyo para sa kanilang kalusugan,” dugtong ng kongresista.
Base sa COA report, aabot sa P11.18 bilyong halaga ng “drugs, medicines at medical supplies,” kabilang ang nasa halos pitong bilyong botelya ng COVID-19 vaccines ang hindi nagamit at nag-expire na lamang sa DOH warehouses at health facilities.
Para kay Lee, ang kawalan ng maayos na procurement planning at palpak na distribution at monitoring systems ang DOH ang tanging dahilan sa aniya’y pag waldas sa kaban ng bayan.
Napag-alaman din na mayroong P65.44 million halaga ng iba pang mga gamot na ang shelf life wala ng isang taon o ilang buwan na lamang ay mag-i-expire na rin sa DOH warehouses.
“Congress should conduct an inquiry into the DOH’s procurement and logistical processes to hold the involved officials and personnel accountable, identify underlying systemic issues, and ensure that public health resources are utilized efficiently, properly accounted for, and distributed in a timely and effective manner,” ani Lee.
“Dapat may managot sa krimeng ito at hindi na dapat pang maulit ang napakalaking kapalpakan na ito,” pahabol pa niya. (Romeo Allan Butuyan II)