WALANG sinayang na sandali ang Kamara sa pagratipika ng P6.352-trillion 2025 national budget ilang oras matapos na aprubahan ng Bicameral Conference ang committee report sa pinag-isang bersyon ng panukala.
Layon ng bicam report plantsahin ang magkasalungat na bersyon ng naunang General Appropriations Bill ng dalawang kapulungan para sa agarang lagda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Bandang tanghali kahapon, kapwa tinapos ng mga senador at kongresista ang bicameral meeting na ginanap sa Manila Hotel kung saan kabilang sa mga dumalo sina Senate President Francis Escudero at House Speaker Martin Romualdez.
Tampok sa pinag-isang bersyon ng panukalang 2025 General Appropriations Bill ang pagbabawas ng mga kongresista sa budget ng Office of the Vice President (OVP) – P733 milyon mula sa P2.037 bilyon na hirit ni Vice President Sara Duterte.
Gayundin ang pondo para sa Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP), na inisyatiba ni Romualdez at ipinatutupad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na aabot sa halagang P26 bilyon.
Kapwa sinang-ayunan din ng dalawang kapulungan ang karagdagang subsistence allowance ng mga sundalo, na mula P150 ay magiging P350 kada araw o katumbas ng P10,500 sa loob ng isang buwan.
Ayon sa Kamara, ang mabilis na ratipikasyon ng panukalang 2025 national budget ay alinsunod na rin sa “timeline” na una nang ipinangako ni Romualdez para tiyakin ang tuloy-tuloy ang paghahatid ng serbisyo ng pamahalaan sa mga mamamayan. (Romeo Allan Butuyan II)
