
NANAWAGAN si Vice President Sara Duterte sa Department of Justice (DOJ) na huwag makiisa sa nais ng International Criminal Court (ICC) na imbestigahan ang madugong war on drugs tulad na rin ng naunang desisyon ni Pangulong Marcos na kumokontra sa isisulong na ICC probe.
“We all should respect the position of the President, being the chief architect of foreign policy. His position should be the position of all,” sabi ng bise presidente.
Gayunman, binigyang-diin nito na ang kanyang tanggapan ay patuloy na kokontra sa nais ng ICC na pumasok sa imbestigasyon ng war on drugs sa dating administrasyon ng kanyang ama, ang dating pangulong Rodrigo Duterte.
“But we will continue to reach out to DOJ regarding our position on this matter… and we will lay down the legal basis of our position,” ayon pa kay Sara. Noong nakaraang linggo, kumambyo si Marcos at sinabing pag-aaralan muli ang paglahok sa ICC.
Ito umano ay nangangahulugan sa posibleng pag-imbestiga ng ICC at posibilidad na makasuhan ang dating pangulo at kasamahang opisyal sa krimeng nagawa.
Hinimok din ng miyembro ng Kamara ang administrasyong Marcos na makipagkooperasyon sa ICC Prosecutor na mag-imbestiga sa mga paglabag sa ilalim ng huridiksyon ng ICC.
Matapos ang ilang taong pagpapaliban, nagdesisyon ang ICC na ipagpatuloy ang imbestigasyon sa Pilipinas sa war on drugs.
Ang desisyon ay pinagdedebatihan pa ng mga kaalyado ng dating pangulong Duterte gayundin ang mga kaalyadi ni Marcos, kabilang si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla.
Mahigit 6,000 pinaghihinalaang sangkot sa droga ang napatay sa drug war ni Duterte base sa datos ng gobyerno. Gayunman, sinabi ng human rights groups na mas marami pa sa naunang tala ang bilang nito.
Sinabi naman ni dating presidential spokesperson Harry Roque na hindi na teritoryo ng ICC ang Pilipinas dahilan para hindi na kailangang imbestigahan pa ang sinasabing mga biktima ng war on drugs.