
WALANG bitak sa UniTeam coalition sa harap na mga isyu sa International Criminal Court (ICC) investigation at pagtanggal sa P650 milyon na confidential fund ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) sa 2024 national budget, ayon kay Vice President Sara Duterte ngayong Martes.
Ito ang pahayag ni Duterte ilang araw matapos sabihin ni Pangulong Marcos na pag-aaral nilang muli ang pagbalik sa ICC.
Ang ICC ang mag-iimbestiga sa mga patayan sa mga sangkot sa illegal drugs campaign ni dating pangulong Rodrigo Duterte.
“Wala naman… Ang UniTeam kasi it was a tandem during the elections ‘no. Ngayon naman ang trabaho namin is hindi na pangangampanya, ang trabaho namin is President and Vice President,” sabi ni Duterte sa ambush interview.
Sinabi rin nito na wala naman siyang naririnig na reklamo mula sa kampo ni Pangulo hinggil sa pagpapatupad ng kanyang tungkulin bilang Education secretary.
“With regard to our working relationship, wala naman akong narinig kay President Marcos na reklamo niya with regard to trabaho namin sa Department of Education. Tuloy tuloy lang ang trabaho,” dagdag pa ni Duterte.
Kamakailan, binalewala na ni Duterte ang hinihiling na
P500 million confidential funds ng OVP, gayundin ang P150 milyong confidential funds ng DepEd sa susunod na taon.
Nauna na ring sinabi ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers party-list lawmaker France Castro na ilang partido politikal sa Kamara ang sumusulong na tanggalin siya sa posisyon bilang bise presidente.
Gayunman, kinontra ito ni House Speaker Martin Romualdez at sinabing hindi nila prayoridad sa Kamara ang usapin.
“Mag-masid. ‘Yung mga mahilig sa pulitika, mag-masid sila,” ayon naman kay Duterte.
Idinagdag pa nito na hindi ito ang tamang panahon para pag-usapan ang 2025 at 2028 elections.
“Hindi pa talaga kasi ngayon ang panahon ng pamumulitika dahil napakalayo pa ng 2025 at syempre mas malayo pa ang 2028. Kaya nga kung nakikita ninyo, ang mga ginagawa namin, ay trabaho lang sa Office of the Vice President at sa Department of Education. Kung meron mang atake o kung meron mang issue na lumalabas, we address it on a case to case basis,” ayon pa sa bise presidente.