HINDI magiging madali para kay former presidential spokesperson Harry Roque ang pagbawi ng kanseladong pasaporte, ayon sa Department of Justice (DOJ).
Sa isang kalatas, partikular na tinukoy ng DOJ ang umanong plano ni Roque maghain ng apela kaugnay ng kanselasyon ng kanyang pasaporteng gamit sa “paglundag” sa iba’t ibang bansa para maiwasan ang napipintong pag-aresto kaugnay ng kasong human trafficking na nakabinbin sa korte.
Una nang nagpahiwatig ang dating tagapagsalita ni former President Rodrigo Duterte na dudulog sa Pasig Regional Trial Court (RTC) para kuwestyunin at ipawalang-bisa ang kanselasyon ng kanyang pasaporte.
Nagpahayag naman ng kahandaan si DOJ Prosecutor General Richard Anthony Fadullon kontrahin ang anumang mosyon na posibleng ihain ni Roque sa Pasig RTC.
Paglilinaw ni Fadullon, karapatan ni Roque — na isa ring abogado — subukan ang iba’t ibang remedyo kaugnay ng mga kinakaharap na kaso sa husgado.
Gayunpaman, kumbinsido ang opisyal na bagamat maaari pang magsumite ng motion for reconsideration si Roque, hindi agarang masususpinde ang bisa ng utos ng korte — ang paglusaw sa bisa ng kanyang pasaporte.
Tumanggi namang magkomento si Fadullon sa pahayag ni Roque na wala ang kanyang pangalan sa red notice list ng Interpol matapos umanong mabigo ang Pilipinas. (Juliet Pacot)
