KUMPLETO, detalyado at kapani-paniwala. Ganito ang paglalarawan ng Department of Justice (DOJ) sa testimonya ng magkapatid na Patidongan na pasok na kapwa tatayo sa husgado bilang state witness laban sa kontrobersyal na gambling lord sa likod ng tinaguriang “missing sabungero.”
Ayon kay Prosecutor General Richard Anthony Fadullon, ang testimonya ng magkapatid ang nagbigay-linaw sa pira-pirasong kwento sa pagdukot at pagpatay ng mga umano’y nasa likod ng game-fixing sa online sabong ni Ang.
Pati aniya ang detalye sa pandaraya, paraan ng pagdukot, pagpatay at pagtatapon sa mga bangkay ng biktima, natumbok nina Julie (alyas Dondon) at Ellakim Patidongan.
Ang pakikipagtulungan ng mga sangkot para mahuli ang mastermind sa krimen ang dahilan kung bakit nabasura ang kaso ng magkapatid na Patidongan at mailagay sa witness protection program. (Juliet Pacot)
