SA hangaring tiyakin ang mahigpit na implementasyon ng Generics Act, binalaan ng Department of Health (DOH) ang mga doktor na tumatanggap ng regalo mula sa mga pharmaceutical companies sa kondisyong gamot na gawa lang ng naturang kumpanya ang irereseta sa mga pasyente.
Ayon kay DOH Assistant Secretary Albert Domingo, sapat na batayan para matangalan ng reseta ang mga doktor na ayaw magreseta ng generic medicines.
Una nang nabunyag ang marketing scheme ng mga pharmaceutical companies na di umano’y nagbibigay ng kotse kapalit ng preskripsyon ng gamot na gawa ng nanuhol na kumpanya.
Samantala, dinispatsa na rin ng Food and Drugs Administration (FDA) ang Field Regulatory Operations Office para imbestigahan ang naturang bulilyaso. Target ng imbestigasyon tukuyin ang sabwatan sa pagitan ng mga pharmaceutical companies at mga doktor.
Gayunpaman, nilinaw ni Domingo na hindi lahat ng doktor sangkot sa bulilyaso. Katunayan, marami pa rin naman aniyang matino sa hanay ng mga manggagamot..
Paalala ni DOH Secretary Teodoro Herbosa sa mga health professionals, mahigpit na ipinagbabawal ang pagtanggap ng regalo, grants, at iba pa mula sa pharmaceutical companies.
