Ni EDWIN MORENO
BILANG tugon sa direktiba ng Pangulo, umabot sa mahigit 1,700 wangwang, blinkers at iba pang flashing devices ang kinumpiska ng Philippine National Police – Highway Patrol Group (PNP-HPG) sa malawakang operasyon sa mga pangunahing lansangan.
Sa datos ng PNP-HPG, lumalabas na kabilang sa mga sinamsam ng mga operatiba alinsunod sa Presidential Decree 96 ang 957 led lamps, 300 blinkers, 179 fog lights, 134 modified mufflers, 78 horns, 48 strobe lights at 11 wangwang.
Ayon kay PNP-HPG director Brig. Gen. Alan Nazarro, isinagawa ang operasyon mula Marso 25 hanggang Abril 22, 2024.
Pinakamarami ang nakumpiska sa Calabarzon Region, Davao at Caraga.
Bukod sa mga motorista, target din ng PNP ang mga nagtitinda ng mga wangwang, blinkers at iba pa.
“Ang inyo namang HPG bilang guardians of the highways is pinapatupad natin ang batas fair and square. Wala tayong sinisino pagdating sa implementation ng batas lalo na yung PD 96,” ani HPG Special Operations Division chief Col. Joel Casupanan.
