Ni ESTONG REYES
KASUNOD ng pag-amin ng Bureau of Immigration (BI) hinggil sa pagdami ng mga dayuhang gumagamit ng student visa sa iba’t-ibang panig ng bansa, target ng Senado maglunsad ng isang malalimang imbestigasyon sa paniwalang may sindikato sa likod ng nabistong bulilyaso.
Sa isang resolusyon na inihain ni Senador Risa Hontiveros, partikular na sisilipin ang kuntsabahan sa pagitan ng mga sindikato at ilang tiwaling opisyales ng gobyerno.
Para kay Hontiveros, nalalagay sa alanganin ang pambansang seguridad sa paggamit ng mga dayuhang gumagamit ng pera para makakuha ng student visa.
Target din imbestigahan ang aniya’y malawakang paggamit ng pekeng dokumento para maging Filipino citizen.
Una nang sumambulat ang balita hinggil sa pagdagsa ng mga Chinese enrollee sa mga higher education institution gamit ang kuwestiyonableng entry credential.
Sa Senate Resolution 1001, hinimok ng senadora ang Senate Committee on National Defense and Security na ituon ang pagsisiyasat sa presensya ng mga dayuhan sa mga lugar na kritikal sa national defense ng bansa.
“The Philippines is not for sale. Nobody should treat our national identity like goods to buy or sell,” ani Hontiveros.
“Sa dami ng mga report tungkol sa mga black market na ito, magtataka ka talaga kung may kinalaman ba ito sa ating pambansang seguridad. Kailangan maliwana-gan tayo kung may papel dito ang mismong gobyerno ng Beijing,” dugtong ng mambabatas.
Bukod kay Hontiveros, nagpahayag din ng pagka-alarma sina Senate Majority Leader Joel Villanueva at Senador Francis Escudero kaugnay ng bentahan ng diploma sa hanay ng mga Chinese nationals na dumagsa sa Cagayan gamit ang student visa.
Sa magkakahiwalay na pahayag, partikular na tinukoy ang alegasyon ng isang Professor Dexter Cabalza, na nagsabing nagbabayad ang mga Chinese nationals ng tumataginting na P2 milyon para makakuha ng diploma.
“This issue does not only diminish the integrity of our education system but might also have implications on our national security. We need to ensure that this is not a smokescreen for more questionable Chinese citizens to enter the country, such as workers in illegal Philippine Offshore Gaming Operations,” ani Villanueva, kasabay ng mungkahi sa Commission on Higher Education (CHED) na imbestigahan ang pagbubunyag ni Cabalza.
“A complaint is necessary, I believe, as this is an academic freedom issue that can have a serious push back against government regulators with oversight functions over tertiary schools,” ayon naman kay Escudero.
