PARA sa Commission on Higher Education (CHEd), obligasyon ng mga pribadong kolehiyo at pamantasan tiyakin ang kapakanan at kaligtasan ng mga mag-aaral sa lahat ng aktibidad ng paaralan – bagay na hindi umano ginagampanan ng Bestlink College of the Philippines (BCP) sa Quezon City.
Sa isang pahayag, partikular na tinukoy ng CHEd ang “off-campus activity” ng naturang paaralan sa kabila ng kawalan ng permiso ng komisyon, kasabay ng paglalabas ng show cause order laban sa BCP.
Gayunpaman, nilinaw ng CHED na bibigyan ng pagkakataon ang BCS magpaliwanag kaugnay ng pagka-stranded ng mga estudyante sa isang field trip sa lalawigan ng Bataan nito lamang nakalipas na Enero 26.
Sa isinagawang pulong ng Commission En Banc, inatasan din si CHED Executive Director Cinderella Filipina Benitez-Jaro at CHED- Legal Legislative Service Director Jerome Leynes na pangunahan ang isang imbestigasyon sa insidente.
Samantala, tiniyak ni CHED Chairman Prospero de Vera III na papanagutin ang private school — anuman ang maging resulta ng imbestigasyon. Ang dahilan, hindi ito ang unang pagkakataon na nagsagawa ng hindi awtorisadong off-campus activity ang institusyon na nagresulta sa isang sakuna.
Buwan ng Pebrero noong 2017, 15 mag-aaral ang nasawi – bukod pa sa 40 nasaktan sa naunang off-campus activity ng nasabing eskwelahan.
“The CHED Commission En Banc has discussed the matter, and a show-cause order will be issued against Bestlink College for conducting the off-campus activity without submitting the required documents to CHEDRO-NCR [Commission on Higher Education Regional Office – National Capital Region],” wika ni de Vera sa mensaheng pinadala sa mga mamamahayag.
