PORMAL na binuksan ngayong araw ang Philippine Presidency ng 47th ASEAN Inter-Parliamentary Assembly (AIPA), na pinangunahan ni Speaker Faustino Dy III kung saan hinimok niya ang lahat ng sangay ng lehislatura sa Southeast Asia na magtulungan para sa lalong pagpapatatag ng kapayapaan at kaunlaran sa rehiyon.
Sa kanyang keynote address, sinabi ni Speaker Dy na tatanganan ng Pilipinas ang AIPA Presidency ngayong taon na may pagpapakumbaba at malinaw na kaalaman sa kaakibat na responsibilidad, kasabay ng giit sa kahalagahan ng regional cooperation batay sa “public trust” at “institutional credibility.”
“Our guiding theme is clear: Parliaments Securing a Peaceful, Prosperous, and People-Centered ASEAN. It reflects a fundamental truth: communities endure not on aspiration alone, but on laws that are credible, systems that are trusted, and leaders who deliver results,” wika ng lider ng Kamara.
Ayon kay Dy, ang Philippines’ AIPA agenda ay alinsunod sa pangako ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na bilang ASEAN Chair, ay magkaroon ng mas malalim na talakayan at pinahusay na kooperasyon kaugnay ng isinusulong na regional security at economic integration.
Ang pagbubukas ng 47th AIPA ay kasabay na rin sa paggunita ng ASEAN sa 50th anniversary ng Treaty of Amity and Cooperation at paghahanda rin sa pagpasok ng Timor-Leste bilang 11th member state nito.
Ani Dy, ang malaking tagumpay ay pagpapatunay na kapayapaan sa rehiyon ay nabuo sa pamamagitan ng maayos na pag-uusap, paggalang at pagtalima sa tinaguriang “rule of law.”
Kasabay ng pagsusulong ng ASEAN sa tinaguriang Community Vision 2045, ang rehiyon aniya ay nahaharap sa mas masalimuot na mga hamon, kabilang na rito ang tinatawag na economic uncertainty, security risks, at rapid technological change, na sabay-sabay na nangyayari.
“From my experience leading the House of Representatives, one lesson stands out: public trust is built through results,” dugtong pa ng lider ng Kamara.
“People judge governance by how decisions are made, whether processes are transparent, and whether outcomes genuinely improve daily life.”
Punto pa ng Isabela province solon, kung ang mga batas ay bukas na napag-debatehan, maayos na nahihimay at tumutugon sa tunay na pangangailan ng taumbayan, ang institusyon ay aani ng tiwala ng mga pinaglilingkuran.
“This is how parliaments secure peace, support prosperity, and keep people at the center of policy—principles that will guide our AIPA Presidency,” diin ng House Speaker.
Samantala, paalala ni Speaker Dy, sa aspeto ng pagpapaunlad ng ekonomiya, ang kaunlaran ay masusukat sa kung ano ang direktang epekto nito sa mga ordinaryong tao, hindi sa mataas na numero lamang.
Panawagan ng lider-mambabatas, magkaroon ng mga batas para sa makabuluhang pagbabago, proteksyon sa mga manggagawa, pagpapatatag sa maliliit na negosyo at pagpapabuti sa regional connectivity. (ROMER R. BUTUYAN)
