MALINAW na paglabag sa 1987 Constitution ang batayan ng isang abogado sa likod ng pagsasampa sa Kamara ng kauna-unahang impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ganap na alas-8:45 ng umaga nang dumulog sa tanggapan ni House Secretary General Cheloy Velicaria-Garafil sina Atty. Andre De Jesus at House Deputy Minority Leader Jernie Jett V. Nisay (Pusong Pinoy Partylist) para pormal na ihain ang naturang reklamo.
Sa 12-pahinang verified complaint for impeachment, sinabi ni De Jesus na ang mga akusasyon niya laban kay Marcos ay pasok sa batayan ng graft and corruption, culpable violation of the Constitution at betrayal of public trust para hilingin ang pagpapatalsik sa pwesto ng Pangulo.
Kabilang sa mga alegasyong nakasaad sa impeachment complaint ang umano’y pagsuko ni Marcos kay former president Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC), hindi pag-veto sa unprogrammed appropriations at iba pang probisyong labag sa Konstitusyon, malawakang korapsyon sa pamahalaan at paggamit ng ilegal na droga.
Kasabay din tinanggap ni Velicaria-Garafil ang isang pahinang Resolution of Endorsement na pirmado ni Nisay, na kinakailangan para mai-transmit ng una ang impeachment complaint sa tanggapan ni Speaker Faustino Dy III, alinsunod sa Constitution at rules ng House of Representatives.
Gayunpaman, agad na tinabla ng pamunuan ng Kamara ang hakbang ng private lawyer/complainant at Pusong Pinoy PL solon.
“Wala tayong nakikitang batayan na magbibigay-katwiran sa isinampang impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Malinaw na ginagampanan ng ating Presidente ang mandatong ipinagkatiwala sa kanya ng taumbayan, alinsunod sa batas,” pahayag ni Speaker Dy.
“Hindi po biro ang usapin ng impeachment. Ito ay isang mabigat at masusing proseso. Responsibilidad ng Kapulungan ng mga Kinatawan ayon sa Saligang Batas, na tanggapin at suriin ang mga ganitong daing—at ito ay dapat na isinasagawa nang may lubos na pag-iingat at paggalang sa Konstitusyon. Hindi ito dapat ginagamit sa pamumulitika at maging sanhi ng pagkakawatak-watak,” dagdag pa ng Isabela province lawmaker.
Pagbibigay-diin ni Speaker Dy, “sa muling pagbubukas ng sesyon, nakatutok ang Kamara sa pagpasa ng mga makabuluhang batas na tunay na mag-aangat sa buhay ng sambayanang Pilipino.” (ROMER R. BUTUYAN)
