MAGKAHALONG tawa at panunuya ang nabanaag sa mukha ng mga miyembro ng House prosecution panel sa estilo ng depensa ng mga abogado ni Vice President Sara Duterte.
Para kay Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na tumatayong tagapagsalita ng 11-member House prosecution panel, katawa-tawa ang kampo ni Duterte na unang nagsabi na mahina ang mga ebidensya laban sa pangalawang pangulo.
“Eh kung mahina yung aming ebidensya, bakit sila mismo ina-adopt nila yung ating mga witnesses (ng prosecution),” wika ni Alonto Adiong na aminadong dismayado sa kawalan ng direktang sagot ng bise presidente sa mga reklamong nais pagtibayin ng prosekusyon sa paggulong ng impeachment trial.
Maging ang publiko aniya ay umaasang magsusumite ang defense team na kontra-argumento sa batayan ng prosekusyon para patalsikin sa pwesto at hindi perpetual disqualification sa anumang posisyon sa gobyerno.
Nanindigan naman ang kongresista na dapat tapatan ng matibay na kontra-argumento ng defense panel ang ebidensya ng prosekusyon — at hindi procedural attacks na ang tanging motibo at ibasura ang kaso.
“If they think that what we will produce to the court is mahina, the more reason for them to counter this with specific and substantial counter-contravening evidence,” punto pa ng Lanao del Sur solon.
“Pero sa nakita natin wala. Puro sila technical issues nila.”
