TALIWAS sa pangakong haharap sa impeachment court sa sandaling naihain na ang reklamo, “no show” pa rin si Vice President Sara Duterte sa pre-trial conference na isinagawa sa senado.
Tanging mga abogadong bumubuo ng defense panel ng bise presidente ang dumalo — “Yes, nandoon sila (lawyers) pero wala ang Vice President. Nandoon yung kanyang defense pero yung kasagutan na nais natin marinig sa kanila ay wala doon,” wika ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na tumatayong tagapagsalita ng House prosecution panel.
Ayon kay Alonto Adiong, hiniling ng kampo ng bise presidente na agarang ibasura ang Articles of Impeachment. Wala rin umanong matinong sagot sa mga alegasyon.
“It only concludes two things. It’s either you don’t have an answer or you’re avoiding to provide answers,” sambit ni Alonto Adiong.
Paglalarawan ng kongresista sa taktika ng depensa, malayo sa mga public statements ni Duterte na paulit-ulit na nagpahayag ng kahandaan harapin ang kaso pagdating sa senado.
“Bakit hindi ito yung sinasabi niyo na ready kayo? The words do not coincide with the actions that you are showing before the impeachment court,” patutsada ni Alonto Adiong.
“Mas maganda sana if they’re really ready, sinasabi nila, we will answer,” dugtong ng tagapagsalita ng lupon ng tagausig.
Magugunita na sa simula ng mga pagdinig ng House Justice Committee sa impeachment complaint, nagmatigas ang bise presidente sa patawag ng komite.
“From the very start, during the confirmation hearings, hindi naman sila pumunta. We gave them the benefit of the doubt kasi sabi nila, ‘okay, doon na lang kami sa proper forum,’” paglalahad ni Alonto Adiong.
