
PARA sa Kamara, sapat na patunay ng husay ng mga itinalagang economic managers ng bansa ang naitalang 5.3% Gross Domestic Product (GDP) para sa unang bahagi ng taon.
Sa isang kalatas, binigyan pagkilala Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang sikap at sigasig mga miyembro ng economic team ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa isinusulong na kaunlaran ng bansa.
Higit pa sa pag-unlad, prayoridad rin aniya ng administrasyon mapabuti ang kalagayan ng mga Pilipino.
Sa datos ng Philippine Statistics Authority, nakapagtala ng 4.3% paglago ng GDP ang Pilipinas para sa ikalawang sangkapat (quarter) ng 2023.
Nakasaad din sa pagsasaliksik ng naturang ahensya ang 5.3% na naitala sa unang semestre ng taon — datos na ayon kay Romualdez ay patunay na natugunan ng administrasyon ang mga pagsubok na kinakaharap ng bansa sa unang taon ng panunungkulan ni Marcos sa Palasyo.
Gayunpaman, naniniwala ang lider ng Kamara na marami pang kailangan isaayos ang gobyerno – kabilang ang food inflation na aniya’y nagpapabagal sa pag-angat ng ekonomiya ng bansa.
Bilang ambag ng Kamara, tiniyak ni Romualdez na tututukan ng Kongreso ang paglalagay ng pondo sa sektor ng agrikultura para maitayo ang mga kinakailangang imprastraktura at mabigyan ng bagong kaalaman sa pagtatanim ang mga magsasaka sa layuning itaas ang produksyon ng bansa.
Dapat din umanong masiguro na makararating ng maayos sa mga konsyumer ang mga produkto sa murang halaga.
Suportado rin aniya ng Kamara ang mga inisyatiba para mabantayan ang presyo sa merkado at tuldukan ang mahabang panahon ng pamamayagpag ng mga mapagsamantalang negosyante.
Itutulak din ng umano ng Kamara ang pagrepaso sa mga polisiya kaugnay ng pag-angkat upang nang sa gayon ay maiwasan ang pagsipa ng presyo ng pagkain – habang inilalatag ang mga programang magbibigay-daan sa mas mataas na produksyon ng mga magsasaka at mga mangingisda.
Mahalaga rin aniyang siguraduhin hindi maantala ang paglabas ng pondo para sa mga kinakailangang proyekto,
Mas magiging mahigpit din aniya ang Kamara sa pagbusisi sa mga gagawing imprastraktura at mabibigyan ng kapangyarihan ang mga lokal na pamahalaan na magkaroon ng sariling inisyatiba.
Malaking bentahe rin ani Romualdez ang mabilis na pagpapalabas at paggamit ng Quick Response Fund sa mga biktima ng kalamidad.
Kinikilala rin ng Kamara ang halaga ng pribadong sektor sa pagpapaunlad ng bansa, kasabay ng giit na itaas ang antas ng Public-Private Partnership.
Kumbinsido rin si Romualdez na malaki ang maitutulong ng sektor ng turismo at MSME sa pag-unlad ng bansa.