November 3, 2024

saksipinas

Palaban, Walang Kinikilingan

Sintensyadong AFP general, laya na

NI ANTON ANGELES

MATAPOS ang 11 taon sa loob ng bilangguan, ganap nang nakalaya mula sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City si dating Armed Forces of the Philippines (AFP) General Carlos Garcia, ayon sa Bureau of Corrections (BuCor).

Ayon sa kalatas ng BuCor, pinaikli sa bisa ng Republic Act 10592 (Good Conduct Time Allowance) ang dapat sana’y 18 taon hatol ng Sandiganbayan para sa limang kasong isinampa kaugnay ng ill-gotten wealth na kanyang tinamasa noong nasa serbisyo bilang AFP Comptroller.

Sa impormasyong ibinahagi ng BuCor, ginawaran si Garcia ng kabuuang 3,288 GCTA points para sa ipinamalas na kagandahang asal sa loob ng 11 taong pananatili sa bilangguan.

Kabilang sa mga kasong binuno ni Garcia ang direct bribery, money laundering, perjury, at paglabag sa Articles of War. Bukod sa hatol na pagkakulong, inatasan din ng husgado ang heneral na magbayad ng ₱406.3 milyon para sa panunuhol at ₱1.5 milyon para naman sa money laundering.

Gayunpaman, pinahintulutan ng husgado si Garcia na pumasok sa plea bargain kung saan pingbayad na lamang ang dating heneral ng ₱53 milyon at 11 pag-aari – kabilang ang mansyon na pinaniniwalaang ‘katas’ ng impluwensya sa pwesto.

Dawit din ang pangalan ni Garcia sa hanay ng mga dating heneral na di umano’y tumanggap ng ‘pabaon’ bago magretiro. 

Sa kainitan ng kontrobersiya, pinaratangan si Garcia ng pagkakamal ng hindi bababa sa 

₱300 milyon sa panahon ng panunungkulan bilang AFP Comptroller.