SA gitna ng nakaambang pagsirit sa presyo ng langis sa pandaigdigang merkado bunsod ng hidwaan sa Middle East, isang panukala ang inihain sa Kamara para bigyan ng dagdag-kapangyarihan ang Pangulo para suspindehin ang excise tax sa mga produktong petrolyo.
Sa ilalim ng House Bill 8257, target ni House Committee on Ways and Means Chairman at Marikina City Rep. Miro Quimbo amyendahan ang Section 148 ng National Internal Revenue Code (NIRC) of 1997.
Partikular na isinusulong ni Quimbo ang pagtatakda ng “lawful at condition mechanism” para pansamantalang itigil ang implementasyon ng naturang batas.
“Today, geopolitical tensions in the Middle East threaten to trigger volatility in global oil markets. Experience has shown that sudden spikes in crude oil quickly translate into higher fuel, transport, electricity and food costs. In an economy where household consumption remains a key growth driver, unchecked increases in fuel prices can significantly burden families and dampen economic activity,” saad sa explanatory note ng panukala ni Quimbo.
“This bill is therefore crafted to strike a careful balance: it preserves Congress’ constitutional authority over tax policy, while allowing the President – under clearly defined conditions, limited durations, and strict reporting requirements – to suspend or reduce excise taxes during national or global economic emergencies.”
Ani Quimbo, kapag ganap na maging batas, ang Chief Executive, sa pamamagitan na rin ng rekomendasyon ng Secretary of Finance, ay maaaring ipatigil ang pagpapataw ng excise tax sa petroleum products – pero may kondisyon.
Una, kapag ang average Dubai crude oil price ay umabot o lumapas sa US$80 per barrel sa loob ng hindi bababa sa tatlong buwan at pangalawa ay kung maideklara ang State of National Emergency o Calamity bunsod ng biglaang pagtaas sa domestic pump prices ng mga produktong petrolyo at mayroong kaukulang sertipikasyon mula sa Secretary of Energy.
Dagdag ni Quimbo, ang ipatutupad na suspensiyon o pagbabawas sa excise tax ay hindi dapat lalampas sa anim buwan; na maaari namang palawigain o maagang ipatigil ng Kongreso sa pamamagitan ng pagpapalabas ng isang Joint Resolution.
Sinabi rin ng kongresista na kapag tapos na ang suspension period, ang naturang buwis ay awtomatikong ipatutupad, na hindi na kinakailangan pang magkaroon ng kaukulang aksyon mula sa sangay ng lehislatura o ehekutibo.
Samantala, nagpahayag naman si Speaker Faustino Dy III ng pakikiisa sa layunin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. protektahan ang mga mamamayan laban sa epekto ng pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
“Kung lalampas sa 80 dolyar kada bariles ang presyo ng Dubai crude, malinaw na nararamdaman ito ng ating mga kababayan—sa pamasahe, sa presyo ng pagkain, at sa iba pang pangunahing bilihin,” ani Dy.
“Kaya bukas ang Kamara na makipag-ugnayan sa Senado upang pag-aralan at, kung kinakailangan amyendahan ang batas upang mabigyan ang Pangulo ng sapat na kapangyarihan na maibaba ang excise tax sa mga panahong may matinding pagtaas sa presyo ng langis.”
Suportado rin umano niya ang panawagan “na ang lahat ng tanggapan ng pamahalaan ay magsagawa ng mga konkretong hakbang upang makatipid sa paggamit ng kuryente.”
“With the uncertainty in the Middle East, everyone must contribute to energy conservation efforts. Kasama po ang Kongreso dito,” aniya pa.
“Sa huli, sa gitna ng hamon na kinakaharap natin, kailangan kumilos ang pamahalaan nang may malasakit, may pananagutan, at may kahandaan. Ang Kamara ay handang gampanan ang tungkulin nito upang matiyak na ang kapakanan ng mamamayan ang mananatiling pangunahing prayoridad.” (ROMER R. BUTUYAN)
