WALANG puwang sa Senado ang mga politiko — lalo pa’t isang abogado, kung hindi rin lang sumusunod sa mga umiiral na batas.
Ito ang buod ng reklamong inihain ni Atty. Eldrige Marvin Aceron laban kay Senador Francis Escudero dahil sa pagtanggap ng P30 milyong donasyon mula sa isang private contractor para sa kampanya noong 2022 senatorial elections.
Sa kanyang ethics complaint, pinangalanan ni Aceron ang kaibigan ni Escudero na si Lawrence R. Lubiano bilang controlling owner at president ng Centerways Construction and Development Inc. na nakakuha umano ng bilyong-bilyong pisong halaga ng mga kontrata sa gobyerno.
Kinuwestiyon ni Aceron ang bigla umanong pagdami ng mga kontrata ng Centerways sa Bicol, partikular sa bayan ni Escudero sa Sorsogon, bago at pagkatapos ng eleksyon noong 2022.
Hindi naman umano ikinagulat ni Escudero ang paghahain ng ethics complaint.
Aniya, inaasahan na niya ang bwelta ni dating House Speaker Martin Romualdez na una na niyang tinawag na mastermind sa likod ng trilyon-pisong flood control scandal.
“Hindi ko na ito ikinagulat. Ito ang kabayaran sa pagbanggit ko sa pangalan ni Martin Romualdez at sa pagbubunyag sa katotohanan. This is just part of the harassment from his minions. This isn’t about ethics. This is political retribution,” wika ni Escudero. (ESTONG REYES)
