LABIS na pinuri at pinasalamatan ni House Speaker Faustino Dy III ang mga kapwa mambabatas, kawani ng mababang kapulungan at iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan na nagtulungan para matapos ang plenary debates kaugnay ng panukalang P6.3-trillion 2026 national budget.
“Buong puso akong nagpapasalamat sa lahat ng kasamahan natin dito sa Kamara, lalo na sa mga empleyado na walang sawang nagtrabaho,” wika ni Dy.
“Ilang araw tayong nag-overtime, may mga pagkakataong umabot hanggang alas-tres ng umaga ang ating sesyon, pero hindi natin ito ininda dahil ang hangarin natin ay maisagawa ang masinsinan at bukas na deliberasyon,” dugtong niya.
Pinasalamatan din ni Dy ang lahat ng mga kinatawan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno sa kanilang kooperasyon at tulong sa budget process.
Giit ng Isabela province lawmaker, patuloy na isusulong ng Kamara ang kinakailangang reporma sa paghimay ng proposed national budget na bukas at maaaring masaksihan ng publiko.
“Makakaasa ang ating mga kababayan na mananatiling bukas at transparent ang ating proseso,” sambit pa ni Speaker Dy.
“Sinabi ko po nung ako’y nahalal bilang Speaker, sisiguraduhin natin na ang bawat sentimo na paglalaanan ng budget sa bawat ahensya ay tutugma sa mga pangangailangan ng ating mga kababayan. Itutuloy po namin na pagtulungan makapagpasa ng isang bukas, maayos, at malinis na budget,” dagdag niya.
Samantala, binigyang-pagkilala ni Speaker Dy ang mga inastiyatiba ni House Appropriations Committee Chairperson at Nueva Ecija 1st District Rep. Mikaela Suansing na tiyakin ang public accessibility ang pagsalang sa Kamara ng 2026 national budget, kabilang ang pagkakaroon ng live streaming ng mga pagtalakay ng Budget Amendments Review Sub-Committee (BARSC). (ROMER R. BUTUYAN)
