DISKUMPYADO ang pamunuan ng senado kung kakayanin pa ng nalalabing panahon ang pagdinig sa napipintong impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
“Hindi ko alam kung may oras nga ba o wala dahil kada impeachment iba-iba ang proseso,” ayon kay Senate President Francis Escudero.
Gayunpaman, nilinaw ng lider ng senado na gagampanan pa rin ng mataas na kapulungan ang nakaatang na mandato – “Pero ano man ang trabahong ibabato sa Senado, susubukan naming gampanan dahil tungkulin naming yun na dinggin anumang kasong ihahain sa amin.”
Partikular na tinukoy ni Escudero bilang halimbawa impeachment trial ng yumaong Supreme Court Chief Justice Renato Corona.
Aniya, inabot ng anim na buwan ang paglilitis bago lumabas ang pasya ng impeachment court – laglag si Corona.
“‘Yung taong yun walang eleksyon. So iba-iba yung time table so hindi ko kayang sagutin kung kakayanin pa nga ba o hindi,” aniya.
“Ang impeachment proceedings ay unique na proseso na hindi saklaw at labas sa ordinaryong sesyon ng Senado kung saan kailangan nagse-sesyon din ang aming counterpart sa Kamara de Representantes,” dagdag ng senador.
Bago man aniya sumipa ang paglilitis ng impeachment court, kakain din ng oras ang mga isyung dapat pang linawin – kung itutuloy ng 20th Congress ang pagdinig sakaling hindi matapos ng 19th Congress ang impeachment trial.
“Dapat tingnan at pag-aralan at suriin din kapag ito ay inabutan sa anumang stage, hindi pa nare-refer sa amin o na-refer na sa amin ng pagpasok ng 20th Congress, tanong ang bibitawan ko katulad ba ito ng ibang bill na kailangang magsimula ulit? Back to square one o magsu-survive ba ito ng 19th Congress at tatawid sa 20th Congress?”
“Tiyak ko may magkukwestiyon sa korte niyan dahil unique at bagong proseso ito,” dagdag niya.
Nahaharap sa dalawang impeachment complaint si Duterte mula sa ilang grupo dulot ng paglulustay sa kaban ng bayan, at iba pang kaso sa paggamit ng confidential funds at pagbabanta. (Estong Reyes)
