HUMUPA man ang sitwasyon sa Davao City, hindi pa rin nakalusot ang isang dating opisyal ng Philippine Army na sinampahan ng kasong ‘inciting to sedition’ matapos manawagan ng pag-aalsa sa gitna ng “standoff” sa KOJC Compound noong Setyembre ng nakalipas na taon.
Ayon kay Gen. Nicolas Torre na tumatayong hepe ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG), pormal nang kinasuhan sa piskaya ang isang Capt. Clemente “Dado” Enrique.
Partikular na tinukoy ni Torre ang YouTube video feed ni Enrique na kumalat sa kainitan ng tensyon sa KOJC Compound kung saan nagtago si KOJC leader Pastor Apollo Quiboloy.
Bukod kay Torre, pinag-aaralan na rin ng CIDG ang paghahain ng demanda sa mga netizens na tumulong magpakalat ng video ng panghihikayat ng pag-aalsa laban sa pamahalaan.
