
Sa dami ng panibagong kasong isinampa ng gobyerno, hindi malayong sa bilangguan na magiging tatanda ang 34-anyos na dating alkalde na napipintong paghahain ng 62 counts ng asuntong money laundering kaugnay ng operasyon ng illegal POGO hub sa bayan ng Bamban sa lalawigan ng Tarlac.
Batay sa rekomendasyon ng mga prosecutor ng Department of Justice (DOJ), lumalabas na si Guo mismo ang punong kapural ng illegal POGO operation sa isang malawak na lupain sa likod mismo ng tanggapan ni dismissed Mayor Alice Guo.
“The resolution is there, it is not for me to change it because we respect the jobs of our fellow professionals who work at the DOJ, the prosecutors, the panel that decided so we respect that, we want it to be filed as soon as possible,” wika ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla.
Noong nakaraang taon pa isinampa ng Anti-Money Laundering Council, National Bureau of Investigation at Presidential Anti-Organized Crime Commission ang kaso laban kay Guo at 35 pa.
Sa isang bukod na pahayag, nilinaw ni DOJ Assistant Secretary Mico Clavano na nakakita ang state prosecutors ng matibay at sapat na ebidensyang magdidiin na sa sinibak na alkalde.