
MATAPOS ang isang linggong pananatili sa Batasan Detention Center, pinalaya ng Kamara si former Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) chief Wilkins Villanueva sa bisa ng pinagtibay na mosyon ng isang partylist congressman.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng quad comm, inaprubahan ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na tumatayong lead chair ng komite, ang mungkahi ni Abang-Lingkod partylist Rep. Joseph Stephen Paduano.
Hindi naman kasing swerte ni Villanueva si Police Colonel Hector Grijaldo na patuloy na mananatili sa Batasan Detention Center bunsod ng nakabinbin petisyon na inihain sa Korte Suprema.
“I was the one who moved to cite ex-General Wilkins in contempt and I appreciate his gesture of seeking a reconsideration, unlike Col. Grijaldo, who resorted to forum shopping,” wika ni Paduano.
Nang tanungin kung ano ang naging batayan ng paglaya ni Villanueva, inamin ng kongresista na nangako ang dating PDEA chief na makikipagtulungan sa komite at sasagutin ang tanong ng mga miyembro kaugnay ng pag-aresto sa isang Jed Pilapil Sy, misis ng pinaghihinalaang drug lord na si Allan Sy.
Taong 2004 nang salakayin ng PDEA ang shabu laboratory na pag-aari ni Sy sa Davao City noong 2004.