
ANIM na buwang suspensyon ang ipinataw ng Korte Suprema laban kay dating Press Secretary at Malacañang spokesperson Atty. Trixie Cruz-Angeles matapos makitaan ng paglabag sa umiiral na panuntunan ng mga abogado.
Sa kapasyahang nilagdaan ng mga mahistrado noong ika-18 ng Hulyo, kastigong suspensyon ang inilapat kay Angeles habang binalaan naman ang isang Atty. Ahmed Paglinawan dahil sa paglabag ng Rule 8.01 ng Canon 8 sa ilalim ng Code of Professional Responsibility.
Babala pa ng Korte Suprema, mas mabigat na parusa ang naghihintay sa dating opisyal ng Gabinete sa sandaling ulitin pa ang bulilyaso.
“From the foregoing, it is clear that respondents employed language, which is grossly abusive and offensive, which is not befitting the dignity of the legal profession. Hence, the imposition of disciplinary liability is warranted,” saad sa isang bahagi ng kapasyahan ng Korte Suprema.
Nag-ugat ang kaso matapos ireklamo ng hindi pinangalanang abogado sina Angeles at Paglinawan sa paggamit ng hindi angkop na salita sa dokumentong inihain sa husgado.
Sa naturang dokumento, nakalahad ang talatang – “The witness is lying through her teeth.”
Inilarawan din bilang oportunista at dalubhasang sinungaling ni Angeles ang nagsakdal sa hinahawakan kasong dinidinig ng husgado.
“By no stretch of the imagination could these statements be considered as pertinent to the unlawful detainer case. Rather, and as found by the Integrated Bar of the Philippines – Commission on Integrity and Bar Discipline, these statements were made for the purpose of insulting, dishonoring, and humiliating the complainants in the unlawful detainer case… Hence the imposition of disciplinary liability is warranted,” ayon pa sa Korte Suprema