HINIRANG ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Philippine Army Commanding General Romeo Brawner bilang bagong chief of staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP), kapalit ng nagretirong si General Andres Centino na itinalaga namang Presidential Adviser on the West Philippine Sea.
Bago pa man itinalagang AFP chief of staff, nanilbihan si Brawner bilang company commander ng 6th Special Forces Company, battalion commander ng 2nd Special Forces Battalion, operations officer ng Special Forces Regiment, chief of staff ng 6th Infantry Division, public affairs chief ng Philippine Army, commander ng civil-military operations regiment at tagapagsalita ng AFP.
Taong 1989 nang magtapos sa Philippine Military Academy – Makatao Class si Brawner.
Bukod sa 34 na taong karanasan sa loob ng Sandatahang Lakas, higit na kilala si Brawner sa ipinamalas na kagitingan kontra terorista.
Batay sa impormasyong isinumite sa pamahalaan, taong 1984 nang magtapos si Brawner sa Unibersidad ng Pilipinas. Kabilang rin sa talaan ng kanyang ‘credentials’ ang mga graduate degree mula sa Ateneo de Manila University, Asian Institute of Management, European School of Management ng Oxford University, at US Army War College.
Nanungkulan rin si Brawner bilang komandante ng PMA at commander ng 4th Infantry “Diamond” Division.