
SINITA ng Commission on Audit (COA) ang Procurement Service Office sa ilalim ng Department of Budget and Management bunsod ng kabiguan ipatupad ang kastigo laban sa kumpanya sa likod ng maanomalyang P2.4-billion laptop deal.
Partikular na tinukoy ng COA ang pagbili ng pamahalaan ng mga overpriced subalit sinaunang laptops para sa mga guro ng mga pampublikong paaralan.
Batay sa 2022 annual audit report, wala sa talaan ng mga blacklisted na kumpanya na nagsupply sa Department of Education (DepEd) ng tinaguriang ‘Jurassic’ laptops.
“The blacklisting and termination review committee has not yet conducted blacklisting proceedings over the subject contracts, thus, a resolution on the termination of contracts or blacklisting of suppliers has not been issued,” saad sa isang bahagi ng COA report.
Una nang sinabi ng PS-DBM na naisumite na sa DepEd ang resolusyon para sa termination of contract at blacklisting ng kumpanyang di umano’y pag-aari ng isang prominenteng partylist congressman.
Sa procurement deal na pinasok ng PS-DBM, umabot sa P58,000 kada piraso ang binayaran ng gobyerno para sa 39,583 unit ng Dell Latitude 3420 laptop, isang sinaunang version ng Intel Core Celeron na mayroon lang kapasidad na 1.8 gigahertz (GHz) clock speed at 4 megabytes processing cache – malayo sa 1.9 GHz base speed at 2 MB processing cache na nakasaad sa kontrata.