ASAHAN ang pagsipa ng kabi-kabilang operasyon ng pamahalaan laban sa mga negosyanteng sangkot sa hoarding, price manipulation at profiteering sa bisa ng Food Security Emergency sa bigas na idineklara ng Department of Agriculture (DA).
Bukod sa pagtugis sa mga sindikato at kartel, makikipagsabayan na rin ang pamahalaan sa pagbebenta ng bigas sa mas mababang presyo.
“This emergency declaration allows us to release rice buffer stocks held by the National Food Authority (NFA) to stabilize prices and ensure that rice, a staple food for millions of Filipinos, remains accessible to consumers,” wika ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel kasunod ng rekomendasyon ng National Price Coordinating Council (NPCC)..
Bago pa man ang deklarasyon, una nagpahayag ng suporta si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Food Security Emergency na aniya’y magbibigay-daan para pababain ang presyo ng bigas sa mga pamilihan.
Pag-amin ni Marcos, hindi umubra ang mga naunang hakbang ng gobyerno laban sa patuloy na pagtaas sa presyo ng bigas sa merkado.
Samantala, tiniyak ng NFA na handa na na ang ahensya maglabas ng nakaimbak na bigas sa bisa ng Food Security Emergency.
Ayon kay NFA Administrator Larry Lacson, apaw na ang supply ng bigas sa mga bodega kaya kailangan ibenta ang stock para na rin maiwasan ang pagkasira ng bigas at makabili ng bagong ani mula sa mga lokal na magsasaka.
Sa Food Security Emergency, sisimulan ng NFA ang pagbebenta ng bigas sa mga piling site ng Kadiwa ng Pangulo, lokal na pamahalaan, at iba pang ahensya ng gobyerno sa halagang P36 kada kilo.
Inaasahan naman na ipapasa sa mga konsyumer ang mga bigas sa halagang P38 kada kilo.
