TALIWAS na paandar ng Department of National Defense (DND) hinggil sa pagtataboy na ginawa ng Pilipinas sa mga Chinese vessels na namataan sa Zambales, hindi ganap na nilisan ng China Coast Guard (CCG) ang West Philippine Sea.
Sa isang pahayag, kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) na may dalawang CCG vessels ang namataan sa layong 34 na milya sa pampang ng Pangasinan.
Ayon kay Commodore Jay Tarriela na tumatayong tagapagsalita ng Philippine Coast Guard for the West Philippine Sea (PCG-WPS), pasok sa loob ng 200-nautical mile Philippine exclusive economic zone ang kinaroroonan ng CCG vessels na may bow number 3301 at 3104.
Ani Tarriela, nasipat ang mga barko ng China sa bisa ng Dark Vessel Detection Program – hudyat para sa agarang pagdidispatsa ni Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan sa Coast Guard BN-2 Islander Aircraft.
Ang resulta — kumpirmadong barko ng China ang pumasok sa West Philippine Sea nang walang pahintulot.
Dito na umano nagpasya ang lupon ng bantay-dagat magpadala ng “radio challenge” na nasundan pa ng pagtataboy ng BRP Cabra at BRP Bagacay.
