MATAPOS ang halos apat na buwan, bahagyang umusad sa Kamara ang panukalang batas na nagtutulak ipagbawal ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa.
Sa botohan sa plenaryo, walang kahirap-hirap na inaprubahan ang House Bill 10987 (Anti-Offshore Gaming Operators Act) sa bisa ng voice voting.
Sa ilalim ng HB 10987, ipinagbabawal sa sinuman magbukas at magsagawa ng offshore gaming saan mang panig ng bansa.
Target din ng naturang panukala kanselahin lahat lahat ng visa na ibinigay ng Bureau of Immigration (BI) at maging ang alien employment permit mula sa Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga dayuhang POGO workers.
Kalakip ng panukala ang parusang apat hanggang anim na taong pagkakakulong at multang P100,000 hanggang P500,000 para sa unang paglabag, pagkakakulong ng anim hanggang walong taon at multang isang milyon sa pangalawang paglabag.
Walo hanggang 10 taon naman sa mga lalabag sa ikatlong pagkakataon, bukod pa sa tumataginting na P10 milyong multa.
Kumpiskado rin sa ilalim ng HB 10987 ang lahat ng gusali, imprastraktura, materyales, kagamitan at mga katulad na bagay, gayundin ang salaping kinita sa operasyon.
