
Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
HINDI pa man lumalamig ang intriga hinggil sa di umano’y “affair” kay former President Rodrigo Duterte, muling bumida si dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) general manager Royina Garma na itinuturong utak sa pananambang sa yumaong PCSO Board Secretary Barayuga – isang retiradong heneral – noong Hulyo 2020.
Sa pagharap ni Police Lt. Col. Santie Fuentes Mendoza sa pagpapatuloy ng pagdinig ng quad committee ng Kamara, partikular na tinukoy si Garma na di umano’y nag-utos na itumba si Barayuga. Ang dahilan – sangkot di umano sa kalakalan ng droga.
Hindi pa man sinisumulan ang testimonya, hindi na napigilan ni Mendoza na nakatalaga sa PNP Drug Enforcement Group Special Operations Unit 6, ang maiyak dahil batid aniya na malalagay sa peligro hindi lamang ang kanyang buhay kundi maging ang sariling pamilya sa paglalahad ng kanyang nalalaman.
Base sa kanyang sinumpaang-salaysay, Oktubre 2019 nang makatanggap di umano siya ng tawag mula kay Napolcom Commissioner Edilberto Leonardo para umano sa isang “special project’ kaugnay ng isang high-value individual na sangkot sa illegal drug activities.
Pag-amin ni koronel, nagdalawang-isip siyang tanggapin ang trabaho na inaalok sa kanya ni Leonardo subalit ipinabatid umano sa kanya ng huli na ang utos ay direktang nanggaling sa noo’y PCSO general manager na sinasabing malakas kay Duterte.
“Sinabi ni Colonel Leonardo na ang pagsasagawa ng proyektong ito ang magdidikta sa direksyon ng aking karera bilang isang pulis,” saad pa ni Mendoza kaya pumayag na rin umano siya sa pinaggagawa sa kanya.
Dagdag niya, dahil si Garma ang mayroon umanong personal knowledge sa sinasabing illegal activities ni Barayuga, lalo siyang nahirapan na tanggihan ang “special project.”
“Matapos tanggapin ang assignment, sinimulan ko na ang paghahanda para sa proyekto, kabilang ang pag-recruit ng isang angkop na tao para isagawa ito. Kinausap ko si Nelson Mariano na kilala kong may network kaugnay sa ganitong klaseng operasyon dahil siya ang aking dating informant tungkol sa mga personalidad ng droga, at binigyan ko siya ng mga paunang detalye ng proyekto,” salaysay pa ni Mendoza
Subalit dahil sa COVID-19 pandemic lockdown, naantala aniya ang pagkilos.
“Noong Pebrero 2020, muling nag-follow up si Police Colonel Leonardo at nagbigay ng karagdagang detalye, kabilang ang pangalan ng target na kanyang tinukoy bilang isang Wesley Barayuga, na nalaman kong siya ay kalihim ng Philippine Charity Sweepstakes Office noong panahong iyon. Binigyan din niya ako ng synopsis na naglalarawan sa umano’y pagkakasangkot nito sa ilegal na droga,” paglalahad niya.
“Matapos matanggap ang impormasyon, sinabi ko kay Police Colonel Leonardo na dahil isang opisyal ng gobyerno ang target, mahalaga na magsagawa ako ng sarili kong beripikasyon, ngunit sinabihan niya ko na hindi na ito kinakailangan dahil ang utos ay mula kay GM Garma (dating Police Colonel Royina Garma) na may personal na kaalaman tungkol sa mga ilegal na aktibidad ng droga ni Wesley Barayuga,” dagdag nito.
“Sa kabila ng aking pag-aalinlangan na tanggapin ang utos na ito sa kadahilanang isang opisyal ng gobyerno ang aming target, ako ay napilitan nalang na sumang-ayon at sumunod, dahil ang utos ay mula sa isang nakatataas na opisyal at upperclassman ko na si Col. Leonardo, at ang utos ay galing mismo sa isang opisyal ng gabinete na si Ma’am Royina Garma,” pagpapatuloy ni Mendoza.
Sa pamamagitan ni Mariano, sinabi ni Mendoza na meron na silang hitman na kinilala lamang sa pangalang “Loloy” na maasahan “at kayang tapusin ang ibinigay na gawain.”
Ani Mendoza, si Garma mismo ang nagbigay ng litrato ni Barayuga habang ang huli ay nasa PCSO meeting para matukoy nila ang target.
“Sinabi rin ni Colonel Leonardo na hindi na kami mahihirapan sa pagsasagawa ng operasyon dahil nag-isyu na si Ma’am Garma ng isang service vehicle para gamitin ni Wesley Barayuga, at binigay sa akin ang deskripsyon at plate number ng sasakyan,” ang salaysay pa nito.
“Sinabi niya na maaari na naming tirahin si Wesley Barayuga pagkatapos niyang lumabas sa gusali. Ipinasa ko ang lahat ng impormasyong ito kay Nelson Mariano,” dugtong niya.
Sa pagtatanong ni Antipolo City 2nd District Rep. Romeo Acop, inamin nina Mendoza at Mariano na hirap na maisagawa ang asasinasyon kay Baruga, na miyembro ng Matikas Class of 1983 ng Philippine Military Academy (PMA), dahil ito ay sumasakay sa public transportations at mahirap gawin ang paglikida na lantad sa publiko.
Matapos ang ginawang ambush-slay sa retired police general, sinabi ni Mendoza na si Garma ang nagpabigay sa kanila ng P300,000, sa pamamagitan ng isang nagngangalang “Toks”.
“Ang nasabing ‘Toks’ ayon kay Col. Leonardo ay isang bata ni Ma’am Garma mula sa CIDG. At nang magkita kami ni Nelson, ay inabot niya sa akin ang halagang P40,000 bilang aking bahagi sa kabayaran,” sabi pa ni Mendoza kung saan si Mariano ay nagkaroon ng P60,000 at P200,000 naman gunmen.