
SA loob ng mahabang panahon, naghari ang isang pamilya sa mga kabundukan ng Antipolo, Baras at Tanay sa likod ng pekeng adbokasiya.
Ang modus ng pamilyang higit na kilala sa pagiging kontratista – ang pumustura bilang aktibistang may malasakit sa kalikasan at at mga katutubong nasa kabundukan.
Ang totoo, pati ako napaniwala, sampu ng iba pang peryodistang ginamit sa pekeng adbokasiya sa likod ng hangaring magkaroon ng isang malawak na hasyendang sinlaki ng isang lungsod sa Metro Manila.
Sa gitna ng kanilang pagsasamantala, nanindigan ang isang lider-magsasaka – si Ka Jay Sambilay mula sa Sitio San Roque (sakop ng Barangay Pinugay sa bayan ng Baras) kung saan sumentro ang pambabarako ng pamilyang nasa likod ng Masungi Georeserve Foundation gamit ang estilong encomienda ng mga Kastila sa pag-angkin ng malaking bahagi lupa ng mga katutubo at mga magsasaka.
Sa gitna ng pagsasamantala, nanindigan si Ka Jay kasama si Ka Arnel Olitoquit. Sa kanilang pakikibaka laban sa pamilyang mahilig mangolekta ng hacienda, sukdulang malagay sa peligro ang buhay bunsod ng lantarang pambabarako gamit ang bayarang armadong grupo.
Ang masaklap, sila pang mga inugat na sa Sitio San Roque ang sinampahan ng kaso gamit ang mga bulaang testigong miyembro ng bayarang armadong grupo.
Fast forward tayo. Matapos ang mahabang pakikibaka nina Ka Jay, Ka Arnel at mga residente ng Sitio San Roque, nagpasya ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na palayasin ang hasyenderong pamilya. Ang siste, sadya nga yatang may mga taong sukdulan ang kapal ng mukha.
Nagawa pang maningil ng P1.2 bilyon sa gobyerno sa kabila ng limpak-limpak na perang kinita sa mga turistang nais sulyapan ang kamangha-manghang Masungi stone formation na pag-aari ng estado.
Sa kanyang ipinamalas na paninindigan, may mga nangumbinsi kay Ka Jay para pasukin ang pulitika kung saan mas maitataguyod niya ang karapatan ng mga kapwa magsasaka – alinsunod sa prayoridad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa pagpasok sa pulitika, tuloy ang pakikibaka.