
ASAHAN ang mas madalas na buhos ng ulan sa mga susunod na araw matapos opisyal na ideklara ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang pagsisimula ng rainy season.
Partikular na pinagbatayan ng PAGASA ang pinakahuling weather analysis at rainfall data sa nakalipas na limang araw.
Anila, ang naranasang kalat-kalat hanggang sa malawakang pag-ulan (dala ng hanging Habagat) sa kanlurang bahagi ng Luzon at Visayas ay pahiwatig ng pagsisimula ng tag-ulan.
Gayunpaman, nilinaw ng state weather bureau na posible pa rin ang tinaguriang monsoon break o ang kawalan ng ulan sa loob ng ilang araw hanggang isa o dalawang linggo.
Samantala, hinikayat ng PAGASA sa mga lokal na pamahalaan na magsagawa ng mga hakbang sa pag-iingat laban sa masamang epekto ng tag-ulan, Habagat, at iba pang mga kaganapan sa klima at panahon. (LILY REYES)