“SAANG planeta galing ang ₱58?,” pangungutya ni House Deputy Majority Leader and Iloilo 1st District Rep. Janette Garin sa pagtatakda ng Department of Agriculture (DA) ng maximum suggested retail price (MSRP) sa imported rice na binebenta sa merkado.
Ginawa ng ranking lady House official ang pag-usisa sa ginanap na pagdinig ng Quinta Comm, na tinatawag ding Murang Pagkain Supercommittee sa pamumuno ni Albay 2nd District Rep. Joey Salceda.
Para kay Garin, nabigo ang DA resolbahin ang isyu sa rice supply chain na aniya’y punong dahilan sa pagtaas sa presyo ng bigas sa mga pamilihan.
“Bakit naman si DA may MSRP na ₱58, saang planeta ito nanggaling, Mr. Chair?” ani Garin kasabay ng giit na ang MSRP ay dapat mas mababa bunsod na rin sa pagbagsak sa presyo ng regular milled.
“How can we control the price of rice when the agency that is supposed to guide us is pegging it at a high price?,” dagdag pa niya.
Tinuligsa rin ng Iloilo lawmaker ang kabiguan ng DA na maisakatuparan ang pangakong ibaba sa P45 hanggang P49 kada kilo ang presyo ng bigas.
Batay sa nakalap na datos ng lady solon, lumalabas na naglalaro lang sa P35 hanggang P39 per kilo ang landed cost ng imported rice.
“Kung ang landed cost ay P35, maibebenta mo siya ng P42 to P43. ‘Yung iba namang landed cost ay P39, maibebenta mo siya ng P47 to P48. Pero syempre, ‘pag may damage, logistics, aakyat siya, pinakamataas P49,” punto pa niya.
Tinanong ni Salceda si DA Undersecretary Asis Perez kung ano ang pinag basehan sa P58 per kilo na MSRP sa bigas.
“Diyos ko ang taas nun,” sambit pa ng House panel chair kung saan binulalas din niya ang pagbaba sa presyo ng imported rice, na ngayon ay naglalaro umano sa P44 hanggang P47 kada kilo, habang ang buying price sa palay (unmilled rice) ay bumaba rin.
Paliwanag ni Perez, ang P58 MSRP ay bahagi ng pilot program para sa Metro Manila at ito ay para umano solusyunan ang pagkakaroon ng P62 hanggang P64 kada kilo na bentahan ng bigas.
Dagdag pa ng DA official, ang presyong P58 price “is based on the landed cost of imported rice, plus a reasonable mark-up for all those involved in the distribution chain, mahaba po ‘yang chain na yan.”
“Linawin ko lang, Mr. Chair, na ‘yung MSRP is a pilot program that will implement only in Metro Manila kung saan may nakikita kami mga presyo na P62, P64, P60,” paliwanag pa niya.
“No, I’m sorry, Mr. Chair. I’m sorry, that is a wrong solution. Wido-wido ‘yun. How do we resolve the problem of mahal na bigas? Magkano ang landed cost? Magkano ang kapital ng local farmer? Magkano ang pwedeng ipatong ng mga dadaanan?” tugon naman ni Garin.
Inakusahan din ni Garin ang DA sa kabiguan nitong i-monitor at i-regulate ang rice supply chain, lalo na ang sabwatan ng mga tiwaling trader at pagkakaroon ng monopoly sa hanay ng retailers ang siyang dahilan sa mataas na bentahan ng bigas.
“Apparently, there’s a flow of at least five traders before the rice reaches the actual retailer. And I remember, Mr. Chair, I previously filed a motion directing the NBI to look into the traders in between because the collusion is happening here. We can’t just turn a blind eye to this,” giit niya. (Romeo Allan Butuyan II)
