NILINAW ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi magpapatupad ang gobyerno ng fishing ban dahil makaaapekto ito sa maliliit na mangingisda sa bansa.
Sa media interview sa pamamahagi ng bigas sa Iriga City, Camarines Sur, sinabi ng Pangulo na hindi fishing ban kundi paghihigpit lamang sa breeding areas ang ipatutupad.
“Hindi maganda ang pagkapaliwanag ko. Hindi fishing ban ang pinag-usapan ko. Ang sinasabi ko, kung saan ‘yung breeding area ng isda, huwag tayong mangingisda doon para dumami ‘yung isda,” ayon sa Pangulo.
“Pero walang fishing ban. Hindi naman — walang hanapbuhay ang tao. Padadamihin nga natin ‘yung isda dahil kausap ko kanina ‘yung mga mangingisda, sabi nila talagang nabawasan na ‘yung huli nila,” dagdag pa ni Marcos.
Mahalaga umanong protektahan ang breeding grounds ng mga is upang matiyak ang mas malaking supply ng isa at upang matiyak na hindi maapektuhan ang kita ng mga mangingisda.
Nauna nang binigyang-diin ng Pangulo ang pangangailangang solusyunan ang overfishing at palaguin pa ang populasyon ng isda at aquaculture sa bansa.
