MATAPOS kaladkarin sa kontrobersyal na “budget insertions,” walang pag-aatubiling humarap sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) si House Majority Leader Sandro Marcos.
Sa pagdalo ng batang kongresista, mariing itinanggi ang mga paratang na tinawag niyang kasinungalingan lalo pa’t wala naman aniyang batayan bukod pa sa hindi naman umano siya akusado — ni hindi kabilang sa mga pinatawag ng ICI sa bisa ng subpoena — pero piniling humarap upang direktang linawin ang usapin.
Para kay Dr. Jose Antonio Goitia, ipinamalas ng batang Marcos ang matibay na paninindigan— “Hindi siya napilitan. Ginawa niya ito dahil tungkulin niya ito bilang pinuno at lingkod bayan.”
Sa gitna aniya ng mga pagdinig na madalas nauuwi sa ingay, nanatili siyang kalmado at maayos. “Buong loob siyang nakipag tulungan at hiniling ang executive session upang manatili sa totoong isyu ang usapan at hindi mahaluan ng pulitika.”
“Ang kusang pagharap ay tunay na pagpapakita ng paggalang sa institusyon. Ang pananagutan ay tungkulin, hindi performance,” wika ni Goitia.
KATAPATAN NG LIDER
Bilang House Majority Leader, hindi inatake ni Sandro Marcos ang proseso o nakipag sagutan online.
Hinarap niya ang mga tanong kung saan ito nararapat. Para kay Goitia, ito ang halimbawa ng tunay na paglilingkod bayan — “Ang totoong lider, hinaharap ang usapin. Hindi nagtatago sa ingay o palusot.”
Sa gitna ng mga walang basehang paratang at tangkang guluhin ang bansa, nanatiling kalmado ang Majority Leader. Iginagalang niya ang proseso. Hinayaan niyang magsalita ang katotohanan.
“Hindi nasusukat sa ingay ang tapang. Madalas, makikita ito sa tahimik na pagharap na may katapatan at malinis na konsensya,” dugtong ng lider-sibiko.
TUNAY NA LINGKOD BAYAN
Ang ginawa ng Majority Leader ay nagbigay ng linaw at kapanatagan sa halip na kalituhan.
Ipinakita niyang ang pananagutan ay hindi dapat iwasan kundi buong tapang na hinaharap. Para kay Goitia, nararapat lamang itong kilalanin.
“Sa gawa nasusukat ang integridad. Hinarap ni Sandro Marcos ang mga tanong nang may dignidad at paggalang sa proseso. Dapat itong pahalagahan.”
PUNDASYON NG PAMILYA
Aniya, malaking bentahe sa personalidad ng isang tao ang pamilyang kinalakihan. Sa kaso ni Sandro, tama ang pagpapalaki ng kanyang mga magulang na sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at inang si First Lady Liza Araneta-Marcos.
“Pinalaki nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at First Lady Liza Araneta Marcos ang kanilang anak na may malinaw na diwa ng tungkulin at paggalang sa serbisyo publiko.”
“Makikita sa composure at dignidad ni Majority Leader Sandro Marcos sa ICI ang mga pagpapahalagang itinanim nila sa kanya. May dahilan silang ipagmalaki ang kanilang anak, at naniniwala akong higit pang lalago ang kanyang kakayahan bilang lider sa mga darating na panahon.”
Si Dr. Jose Antonio Goitia ay Chairman Emeritus ng apat na civic oriented organizations kabilang ang Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement.
