ANG pondo para sa kalusugan, hindi pwedeng gamitin sa ibang programa ng pamahalaan.
Ito ang buod ng desisyon ng Korte Suprema, kasabay ng direktiba sa administrasyong Marcos na ibalik ang P60-bilyong pondo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na inilipat sa national treasury noong 2024.
Sa kautusan ng Korte Suprema, inilatag din ng Korte Suprema ang paraan ng pagbabalik ng pera — sa bisa ng pagdaragdag ng P60 bilyon sa alokasyon ng naturang ahensya.
Bahagi rin ng desisyon ng Korte Suprema ang permanenteng pagbabawal sa paglipat ng natitirang P29.9 bilyon na reserve funds.
Ayon kay Atty. Camille Ting na tumatayong tagapagsalita ng Korte Suprema, tanging ang Pangulo lamang umano ang awtorisado dagdagan ang “item” sa General Appropriations Act (GAA) — at hindi ang Finance Secretary.
Gayunpaman, tinabla ng Korte Suprema ang hirit ng mga petitioner na panagutin ang Kalihim ng DOF para sa malversation o plunder.
