HINDI na marahil darating sa puntong masasaksihan ng sambayanan ang pinananabikang bahagi ng isinasagawang imbestigasyon ng Independent Commission on Infrastructure (ICI) kaugnay ng malawakang katiwalian sa pamahalaan.
Ang dahilan — malapit nang lusawin ng Palasyo ang ICI.
Pag-amin ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla, posibleng hanggang Enero ng susunod na taon na lang ang itatagal ng ICI.
Nang tanungin kung ano ang kahihinatnan ng iba pang iniimbestigahan ng ICI, sinabi ni Remulla na ililipat ng ICI sa Office of the Ombudsman ang lahat ng datos, testimonya at ebidensyang nakalap ng komisyon kaugnay ng maanomalyang flood control projects sa gobyerno.
“’Yun ang direksyon niyan, kasi hindi naman forever ang ICI at meron namang batas na nag-create ng Office of the Ombudsman na ngayon naman ay very active kami,” wika ni Remulla.
Pag-amin ni Remulla, malaking tulong sa “case build-up ang mga iti-turnover na ebidensya ng ICI sa kanyang tanggapan.
Samantala, tiniyak ni Remulla na madaragdagan pa ang mga opisyales ng pamahalaan at kontratistang magpapasko sa piitan.
Gayunpaman, tumanggi si Remulla pangalanan ang mga nakatakdang arestuhin sa bisa ng mandamiento de arresto na hirit sa Sandiganbayan.
Una nang lumutang ang pangalan nina dating Senador Bong Revilla at Sen. Jinggoy Estrada na dati nang nakulong bunsod ng kasong pandarambong.
Sa susunod na taon ay magkakaroon sila ng dagdag na mga abogado para sa mga dagdag na trabaho sa Ombudsman.
Niliwanag naman ni Remulla na accountability lamang ang trabaho nito nang tanungin sa hindi pagpasok ni Sen. Bato dela Rosa sa Senado makaraang ihayag ng Ombudsman na may kopya ito ng warrant of arrest mula sa ICC.
Aniya, unofficial ang hawak niyang kopya hinggil dito at depende sa ICC kung kailan ito aarestuhin.
