
TULUYAN nang naglaho ang pag-asang mabawi pa ng pamahalaan ang nasa P$20-milyong pinautang ng gobyerno sa Marbella Club Manila Inc. (MCMI), 42 taon na ang nakalipas.
Sa 16-pahinang desisyon ng Korte Suprema, kinatigan ang unang desisyong nagbasura sa kasong graft na isinampa ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) laban sa sa yumaong dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. at dalawang miyembro ng gabinete kaugnay ng maanomalyang pagpapautang ng Philippine National Bank (PNB) sa MCMI para sa pagpapagawa ng tourism resort sa Cavite noong 1980.
Kabilang sa mga mahistradong lumagda sa pasya ng Korte Suprema sina Supreme Court Associate Justice Ramon Paul Hernando, Associate Justices Rodil Zalameda, Ricardo Rosario, Jose Midas Marquez at Maria Filomena Singh.
Abswelto rin ang kailan lang namayapang former Trade Minister Roberto Ongpin, dating Trade Minister Jose Aspiras, mga dating opisyales ng PNB officials at ang mga corporate officials ng Marbella.
Paglalarawan ng PCGG sa pagpapautang ng PNB sa Marbella, sadyang pinaboran ng noo’y administrasyong Marcos Sr. ang Marbella na pinaniniwalaang pag-aari ng mga crony ng yumaong dating Pangulo.
“The loan granted by the PNB to Marbella Club Manila was unwarranted as the borrower was a poor credit risk and that the loan was attended with manifest partiality, bad faith and/or inexcusable negligence.”
Kapos na sustansya (lack of merit) naman ang dahilan ng Korte Suprema sa pagbabasura ng kaso laban sa ama ng kasalukuyang Pangulo.
“Accordingly, this court upholds the principle of non-interference with the investigatory and prosecutorial powers of the ombudsman absent any showing of grave abuse of discretion on its part and of the established exceptions for this court to do so,” saad sa isang bahagi ng desisyon ng Korte Suprema.