SA gitna ng nagtataasang presyo ng mga pangunahing bilihin, humihirit ang pamunuan ng Light Rail Transit (LRT) at Metro Rail Transit (MRT) ng karagdagang P4 hanggang P17 sa umiiral na minimum fare.
Katwiran ng dalawang kumpanya, nalulugi na sila.
Mungkahi ng LRT, P17 (pinakamaikling biyahe) hanggang P44 dagdag-pasahe (dulo-dulo). Mula sa umiiral na P11 minimum fare, gagawing P30 para sa maikling biyahe.
Giit naman ng MRT, gawing P33 ang minimum fare mula sa umiiral na P14.
Ayon sa Light Rail Manila Corp., (private operator ng LRT Line 1), taong 2015 pa nang huling naglabas ng pahintulot ang pamahalaan para sa fare adjustment. Sa nakalipas na mga taon, anila, lumobo na sa P32 bilyon ang nalulugi sa kumpanya.
Giit pa ng LRT, hindi sila pinayagang magpatupad ng 5% fare increase na nakasaad sa kanilang nilagdaang kontrata.
“We are operating at a loss dahil nag-pandemic 2020, 2021 bagsak yung ridership natin,” ani Atty. Jhimmy Santiago na tumatayong abogado ng nasabing kumpanya.
Inalmahan naman ng ilang commuter sectoral groups ang tinutulak na “dagdag-pasakit” sa mga pasaherong nagdurusa sa palpak na serbisyo ng mga nabanggit na kumpanya.