HALOS walang reaksyon sa mukha ng tinaguriang Pork Barrel Queen matapos inahayag ng korte ang panibagong hatol kaugnay ng isa pang kasong may kaugnayan sa maanomalyang Priority Development Assistance Fund (PDAF).
Sa desisyon ng Sandiganbayan Special Third Division, hinatulan “guilty” si Janet Lim Napoles sa kasong malversation of public funds. Kalakip ng desisyon ng korte ang parusang reclusion perpetua o habambuhay na pagkakakulong
Batay sa 165-pahinang desisyon na inakda ni Associate Justice Ronald Moreno, napatunayan nagkasala ng walang bahid alinlangan si Napoles at iba pang akusado — kabilang ang yumaong Benguet Rep. Samuel Dangwa.
Sa ilalim ng umiiral na panuntunan ng batas, sinumang indibidwal na sangkot sa naturang kaso ay maaaring patawan ng reclusion perpetua kung lampas sa halagang P88 milyon ang nakulimbat.
Mayo ng taong 2023 nang absweltuhin ng Sandiganbayan First Division si Napoles sa 16 na kaso kaugnay ng Pork Barrel Scam.
Sa kabila ng pagbasura sa naturang asunto, nanatiling nakakulong si Napoles bunsod ng iba pang nakabinbing kaso.
Nag-ugat ang kaso sa alegasyon na si dating Senador Bong Revilla ay naglipat umano ng P224-milyong PDAF sa isang pekeng non-government organization na kalaunan at nabistong gawa-gawa lamang ni Napoles.
Bagamat kabilang sa sinampahan ng kasong plunder, agad naman nakalaya si Revilla na inabswelto ng korte sa kondisyong ibabalik ang P124-milyong pumasok sa bank account ni Revilla sa panahon ng panunungkulan bilang senador.
Habang sinusulat ang balitang ito, hindi pa tumatalima si Revilla sa kondisyon ng korte. (JULIET PACOT)
