SA hangarin tiyakin ang kaligtasan ng mga mamamayan sa mga lalawigang apektado bagyong Wilma, bantay-sarado na sa Philippine Coast Guard (PCG) ang mga pantalan sa napipintong pananalasa ng masamang panahon.
Sa isang kalatas, partikular na tinukoy ng PCG ang mga daungan sa mga bayan ng Real, Polillo, Lucena, Alabat, San Andres, Tayamaan, Bulalacao, Roxas, Romblon, San Agustin, Calatagan at Balanacan.
Batay sa datos ng bantay-dagat, nasa 385 pasahero ang stranded, gayundin ang 48 rolling cargoes, pitong sea vessels at 10 motor bancas. Pansamantala naman “sumilong” sa gilid ng pinakamalapit na isla ang walong barko at dalawang bangka.
Sa dakong Northern Mindanao, nakatutok din ang PCG sa sitwasyon ng mga pantalan sa Cagayan de Oro, Tagoloan, Ozamiz at Jimenez kung saan nasa 111 pasahero, drivers at helpers mula sa 12 sasakyang dagat – bukod pa sa tatlong sea vessels na pansamantalang nagkubli sa iba’t ibang isla.
Sa Southern Visayas naman, patuloy na minomonitor ang mga daungan sa Barcelona, Sagay, Manta-Angan, Larena at Lazi, kung saan may 218 stranded passengers, drivers at helpers; 147 rolling cargoes; limang vessels. Nagpapalipas naman ng masamang panahon ang dalawa pang sasakyang dagat.
Bantay-sarado na rin sa PCG ang 12 pier sa Bicol, anim sa Eastern Visayas, gayundin ang Port of Coron sa Palawan. (JULIET PACOT)
