SA gitna ng kabi-kabilang alegasyon ng katiwalian at kapalpakan sa gobyerno, tatlong miyembro ng Gabinete ang namumuro sibakin sa pwesto ng Pangulo.
Sa isang artikulong unang lumabas sa Politiko, kabilang sa mga nakatakdang sipain bilang Kalihim sina Education Secretary Sonny Angara, Information and Communication Technology Secretary Henry Aguda at Labor Secretary Bienvenido Laguesma.
Gayunpaman, nilinaw umano ng source na walang kinalaman sa flood control scandal ang napipintong sibakan.
Target umano sibakin sa panibagong yugto ng sibakan ang mga tinaguriang “underperforming government officials.”
“It’s about restoring credibility at a time when public confidence is badly shaken,” wika ng source ng Politiko.
Mayo ng kasalukuyang taon nang simulan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang balasahan sa bisa ng “courtesy resignation” sa lahat ng senior hanggang mid-level government officials matapos mabigo ang administrasyon ipanalo ang 12 pambato sa nagdaang senatorial election.
Matapos ang ilang buwan, muling umarangkada ang sibakan hinggil naman sa “budget insertions” na kinasasangkutan umano ng Pangulo, ni dating House Speaker Martin Romualdez at presidential son at Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos.
