DAPAT panindigan ng nakababatang kapatid ni Vice President Sara Duterte responsibilidad na kalakip ng posisyon bilang alkalde, sa paraan ng pagtutuwid sa mga gusot sa likod ng mga kontratang iginawad ng pamahalaang lungsod ng Davao sa GenCorp Industries Corp.
Ayon kay Deputy Speaker Francisco Paolo Ortega V, kaakibat ng kapangyarihan ni Mayor Baste Duterte ang responsibilidad na tiyakin tama at legal ang lahat ng procurement transactions ng lokal na pamahalaan na kanyang pinamumunuan.
“Hindi iyong porket ikaw na iyong pinakamakapangyarihan, gusto mo iyong power, iyong control, pero pagdating naman sa corruption wala kang alam, hindi pwede iyon,” wika ni Ortega.
“Hindi pwedeng wala kang idea. Hindi puwedeng wala kang command responsibility. Mabigat ang responsibilidad mo kung ikaw ang may hawak ng kapangyarihan sa iyong nasasakupan,” dagdag ng La Union solon.
Samantala, nanindigan si House prosecution spokesperson Ace Barbers, na hindi maaaring mawala ang pananagutan ng alkalde sa pagtatalaga niya ng kinatawan para pumirma sa nasa 19 kontrata ng Davao City government sa GenCorp.
“The local chief executive, iyong HOPE, iyong head of the procuring entity, should have done his due diligence dito sa pagpirma ng mga kontratang ito,” giit ni Barbers.
“Even assuming na dinelegate niya, it is not presumed that the mayor, even though he delegated this, does not know any information about a certain contract na pinipirmahan ng kanyang siyudad,” dugtong niya.
Sa pag-amin naman ni Mayor Duterte na hindi niya na-review ang lahat ng kontrata ng city government sa GenCorp, umaasa ang prosekusyon na gagawa ng hakbang ang una para plantsahin ang isyu.
