PARA patunayan hindi totoong binulsa ang P612.5 million confidential and intelligence funds (CIF) na inilaan ng kongreso, higit na angkop iharap ng kampo ni Vice President Sara Duterte ang mga benepisyaryong tumanggap umano ng naturang pondo.
Kabilang sa mga tinukoy ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong ang mga miyembro ng tinawag niyang “budol gang” na kinabibilangan nina Mary Grace Piattos, Kokoy Villamin, Jay Kamote, Miggy Mango, Xiaome Ocho” at iba pa.
“Hinihintay po natin mag-produce po ang depensa, na pabulaanan. Sana ganun ‘yung inaantay natin na mga sagot nila, na meron talagang Mary Grace Piatos, Kokoy Villamin,” wika ni Adiong na tumatayong tagapagsalita ng House prosecution panel.
“Otherwise, if you cannot produce and you cannot answer, these are the things that will stand out in the public’s consciousness. Makatotoo nga talaga ang sinasabi ng PSA na walang record at saka walang tao na nag-ngangalan na ganito at saka ‘yung mga signatures ay mukhang isa lang yung gumawa,” sambit ng mambabatas sa panayam ng Brigada News FM.
Ayon kay Alonto Adiong, kabilang sa impeachment charges sa bise presidente ang maling paggamit ng confidential funds na nasa P500 million ng Office of the Vice President (OVP) at P112.5 million naman ng Department of Education (DepEd) na dating pinamunuan ni Duterte.
Isa sa basehan ang kaduda-dudang pangalan na nakalagay at pumirma sa nasw 4,000 acknowledgement receipts (ARs) na isinimute ng OVP at DepEd sa Commission on Audit (COA) bilang beneficiaries ng confidential funds subalit ng beripikahin halos 2,000 sa talaan ay walang birth, marriage at death records mula sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Base aniya sa pag-analisa ng National Bureau of Investigation (NBI) Questioned Documents Division, marami sa mga lagda sa ARs ay gawa umano ng iisang tao lamang.
Mungkahi ni Adiong, dapat bitbitin ng defense team sa impeachment court ang mga lumagda sa ARs bilang patunay na tinanggap ang pondo.
Giit ng Mindanaoan lawmaker, lalabas na totoo ang alegasyon kung mabibigo dito ang kampo ng nasasakdal ilutang ang mga sinasabing benepisyaryo.
“Ako nga, excited. Lahat tayo, sino ba talaga si Mary Grace Piattos? Kung makaka-produce sila doon ng ganong klaseng tao,” pahayag ni Alonto Adiong sa isa pang panayam.
“Ang sa atin, ang allegation natin, based on the evidence that we gathered, ‘yung testimonya, ‘yung document and report ng PSA na walang tao, na wala silang record ng Mary Grace Piattos,” dagdag niya.
“‘Yung NBI, the forensic experts na nag-analyze at nag-examine nung specimen ng signatures, sinasabi, ‘teka hindi ito maraming tao ang pumirma.’ Pareho-pareho kasi. Iisa lang,” paglalahad pa ng ranking House official.
Sa kasagsagan ng imbestigasyon ng Kamara noong nakaraang taon, nag-alok pa ang House leaders, sa pangunguna nina Deputy Speakers Jay Khonghun (Zambales) at Paolo Ortega V (La Union), ng P1 million cash reward para lumantad o para sa impormasyon hinggil sa kinaroroonan ni Mary Grace Piattos, na hanggang sa ngayon aniya’y |hindi pa rin nagpaparamdam.”
“Nakakabahala na umabot tayo sa ganitong level ng kasinungalingan. Sa mga opisyal ng gobyerno na dapat nagbibigay ng tamang impormasyon, imbento lang pala ang Mary Grace Piattos,” bulalas pa ni Khonghun.
Kasama rin sa listahan ng “budol gang” ang mga pangalang Piatos-Lim, Renan Piatos, Dodong Gang, Dodong Alcala, Dodong Bina, Dodong Bunal, Dodong Darong, Dodong S. Barok Amoy Liu, Fernan Amuy, Joug De Asim, Honeylet Camille Sy, Feonna Biong, Feonna Villegas, Fiona Ranitez, Ellen Magellan, Erwin Q. Ewan, Gary Tanada, at Joel Linangan.
