TINUKURAN ni AGRI Partylist Rep. Manoy Wilbert Lee ang petisyong inihain sa Korte Suprema nina Bishop Pablo Virgilio Cardinal David, Constitution framer Atty. Christian Monsod at ng Environmental Legal Assistance Center na humihiling na baliktarin ang naunang desisyon ng Malabon Regional Trial Court (RTC) na nagbibigay pahintulot na magsagawa ng commercial fishing sa loob ng 15-kilometer zone.
Kasabay nito, binigyan-diin ni Lee ang pangangailangan mahigpit na ipatupad ang mga kasalukuyang batas hinggil sa pangingisda partikular ang nagbibigay proteksyon at nagsusulong para sa maayos na kabuhayan ng mga maliliit na mangingisda.
“Sinusuportahan po natin ang petisyong ito na layuning protektahan ang kita at kabuhayan ng maliliit nating mga mangingisda. The government should fully implement existing fishery laws and regulations that would deter illegal fishing activities and the encroachment of commercial fishing vessels into municipal waters,” giit ng Bicolano lawmaker.
Nauna rito, nanindigan ang mga petitioner na malaking peligro at tiyak na maapektuhan ang paghahanapbuhay ng mga small-scale fisherfolk kung papayagang pumasok sa municipal waters ang commercial fishing operators.
Sa pagsalang ng 2024 budget ng Department of Agriculture (DA) sa plenaryo ng Kamara, hinimok ni Lee ang mga kinaukulang ahensya ng pamahalaan na tugunan ang usapin ng pagtukoy sa municipal at commercial fishing boundaries para na rin protektahan ang small-scale fishermen.
“It is critical to use science-based reference to address this matter and give utmost consideration to the livelihood of our small-scale fishermen. Hindi makatarungan na nandyan na nga ang mga batas para protektahan sila pero patuloy pa rin silang na agrabyado at pinagkakaitan ng kabuhayan,” mariing pahayag pa ni Lee.
Punto pa ng AGRI Party-list, na reelectionist ngayong May 2025 National and Local Elections, dapat magkaroon ng malakas na ugnayan sa pagitan ng DA, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Philippine Coast Guard (PCG) at iba pang ahensya ng gobyerno para labanan ang illegal, unreported and unregulated (IUU) fishing at papanagutin ang mga lumalabag sa Fisheries code.
“Kailangang paigtingin ang pagbabantay sa overfishing at ilegal na pangingisda dahil ito ang pangunahing dahilan ng pagbaba ng supply ng isda. Malaki ang maiaambag nito hindi lang sa pagkamit ng inaasam nating food security, kundi pati na sa pagpapababa ng presyo ng pagkain sa merkado,” ayon sa AGRI Party-list.
“Seryoso dapat ipatupad ang ating mga batas na pumoprotekta sa kabuhayan ng ating maliliit na mangingisda at sampolan ang mga lumalabag at umaabuso, para tuluyang mabawasan ang pangamba ng ating ‘food security soldiers’ na silang pinanggagalingan ng ating makakain, pero sila pa ang walang maipantustos sa pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan tulad sa panahon ng pagkakasakit,” dagdag pa nito. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
