KASONG human trafficiking ang kinakaharap nina Atty. Harry Roque, Cassandra Li Ong, at 48 iba pang indibidwal na sangkot sa Lucky South 99 POGO sa Porac, Pampanga, ayon sa Department of Justice (DOJ).
Inihain ng DOJ ang non-bailable qualified human trafficking charges sa Angeles City Regional Trial Court na iilipat sa Pasig City Regional Trial Court alinsunod sa utos ng Korte Suprema, ayon kay Justice Undersecretary Nicholas Felix Ty
Ayon pa kay Ty na bagama’t sinasabi ng ilan na magkaiba ang Lucky South 99 at Whirlwind, tiningnan umano ng mga piskal na magkakaugnay ang operasyon ng mga ito.
Lumabas aniya sa imbestigasyon na si Roque, kahit sinasabing abogado lang ng Whirlwind, ay personal na nagpunta sa PAGCOR para sa renewal ng lisensya ng Lucky South 99.
Posible rin umanong maglabas ng warrant of arrest laban sa kanila at kung hindi sila mahahanap sa bansa ay maaari silang ituring na pugante.
“May ibang options na diyan ‘yung pamahalaan natin. Kasama na diyan ‘yung pag-cancel no’ng kanilang passport, kasama na doon ‘yung paglagay sa kanila ng red list ng Interpol,” dagdag pa ni Ty.
Ayon pa kay Ty, iniutos ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na ipabatid sa Netherlands, kung saan kasalukuyang humihingi ng asylum si Roque, na natuklasan ng DOJ ang probable cause para kasuhan ito.
“Ipapakita namin na wala talagang kinalaman sa politika ito. Talagang tungkol ito sa krimen ng human trafficking,” pagbibigay-diin pa niya.
